INIALOK ni Pangulong Digong sa Communist Party of the Philippines (CPP) ang mga posisyon sa kanyang Gabinete ukol sa agrarian reform, labor, social welfare, at environment and natural resources. Sa panayam kay Luis Jalandoni, chairman ng National Democratic Front (NDF), tinanggap daw nila ang alok na ito bagamat may mga kondisyong inilatag si CPP Chairman Jose Maria Sison sa pakikipag-usap nito sa gobyerno tungkol sa isyung pangkapayapaan.
Pero ayon kay Jalandoni, hindi raw nila kasapi ang uupo sa mga posisyong tinanggap nila. Magrerekomenda lang daw sila ng mga taong sa akala nila ay karapat-dapat sa puwesto.
Sa Commission on Appointments (CA) magtatagpo si Pangulong Digong at ang mga grupong may reserbasyon sa mga hinirang nito sa rekomendasyon ng CPP-NDF. Sabi nga ng kahahalal na Senador Ping Lacson, karapatan ng Pangulo ang humirang ng bubuo sa kanyang gabinete. Pero ayon, aniya, sa check and balance na sistema ng ating gobyerno, ang mga hinirang ng Presidente ay dadaan sa CA. Kapag nakalusot lang kasi sa CA, saka lamang regular na makagaganap sa kanyang tungkulin ang nahirang na opisyal.
Paano, kung naging balakid ang CA at ayaw kumpirmahin ang appointment ng opisyal na hinirang ni Pangulong Digong? Ito ngayon ang sinasabi ni Pangulong Digong na constitutional crisis, kung paninindigan ng Pangulo ang kanyang hinirang pero ayaw namang kumpirmahin o kaya, at tinututulan ito.
Nangyari ito sa panahon ni Pangulong Cory. Hinirang niya si Butch Abad bilang kalihim ng Department of Agrarian Reform, pero dahil sa akala ng mga mambabatas na bumubuo ng CA, maka-magbubukid at makamahirap si Abad, tinutulan ang kanyang appointment. Sa stand off sa pagitan nina Pangulong Cory at ng CA, bumigay si Pangulong Cory.
Ganito rin ang nangyari sa paghirang ni Pangulong Cory, matapos siyang iluklok ng People Power, kay Bobbit Sanchez bilang kalihim ng Department of Labor. Sinasabi pa lang ni Sanchez na maigi para sa relasyon ng manggagawa at kapitalista ang profit sharing, pinalaki na ang isyung ito ng mga kapitalista. Ginawa itong batayan sa paghingi sa ulo ni Sanchez kay Pangulong Cory. Tinanggal ni Pangulong Cory si Sanchez at ipinalit si Franklin Drilon, na management lawyer.
Ang apat na posisyon sa gabinete ni Pangulong Digong na ipinagkaloob niya sa mga irerekomenda ng CPP-NDF ay makatutulong nang malaki para tuldukan ang kahirapan. Ang contractualization na matagal nang inirereklamo ng mga manggagawa na umiiral sa kabila ng mga batas laban dito, ay maaaring tumigil na. Ang tunay na repormang agraryo ay maisasakatuparan na. Masasawata na ang walang habas na pagmimina na nakasisira sa kalikasan at pumapatay sa maraming tao. Ang salapi at tulong ng gobyerno sa mamamayan ay inaasahang makararating sa kanila.
Ang malaking problema, ang mababangga ng mga magpapairal ng mga proyektong ito ay malakas at makapangyarihan. Dito masusubok ang tapang ni Digong na harapin sila, na magbubunga ng constitutional crisis.