Hindi ikinokonsidera ng administrasyon ni incoming President Rodrigo Duterte ang China bilang isang kaaway, subalit tiniyak na isusulong ang interes ng bansa sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.

Ito ang inihayag ni dating Armed Forces of the Philippines chief of staff retired Gen. Hermogenes Esperon, na itatalaga ni Duterte bilang susunod na National Security Adviser.

“Bakit n’yo titingnan na kaaway ang China? Pero dapat din ninyong tandaan na mayroon tayong interes. So, kung ano ang national interest natin, ‘yun ang i-pursue at ipu-push natin,” pahayag ni Esperon.

Nang tanungin ng media kung ano ang pananaw niya ng “national interest” sa isyu, sinabi ni Esperon: “Well territory, sovereignty, welfare of our people… ‘yung lahat ng territory na ‘yan ay makakadagdag sa betterment of the lives of the citizen, so we will pursue it.”

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

“Kung ide-deny sa atin ‘yan, there is an UNCLOS decision on that, the Convention on the Law of the Sea is signed by member states of the United Nations. So, we will pursue that and make it work for the good of the Filipino,” paliwanag ni Esperon.

Iginiit ng dating AFP chief na dapat proteksiyunan ng gobyerno ang ano mang nasasakupan ng 200-mile exclusive economic zone.

Aniya, kasado na ang foreign policy ng bagong administrasyon, tulad ng PH-US Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at maging ang arbitration case na isinusulong ng Pilipinas sa isyu ng West Philippine Sea. - Aaron Recuenco