MILYUN-milyong estudyante at mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa bansa ang magbabalik-eskuwela sa Lunes, Hunyo 13, ngunit dalawang linggo bago ito, pangungunahan ng Department of Education (DepEd) ang taunan nang tradisyon ng paghimok sa mga komunidad at sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para ihanda ang mga paaralan—ang Brigada Eskwela.
Simula nang ilunsad noong 2003, naging kapaki-pakinabang ang Brigada Eskwela sa paghahanda sa mga eskuwelahan para sa muling pagpasok ng milyun-milyong mag-aaral at estudyante matapos ang matagal na bakasyon. Nagsasagawa ng mga pagkukumpuni, muling pinipintahan ang mga pader at kisame, inaayos ang mga may tagas na tubo, nililinis ang mga palikuran, at tinitiyak na walang pinangingitlugan ng lamok at iba pang insektong nagdadala ng sakit ang mga campus. Pebrero pa lang ay sinimulan na ng mga tagapangasiwa ng mga paaralan ang pagre-recruit ng mga volunteer, kumalap ng donasyon mula sa mga lokal na negosyo noong Marso, at handa na sa mga inorganisang grupo ng gagawa nitong Abril.
Kaya naman kapag nagsimula ang Brigada Eskwela ng Mayo, isang tunay na grupo ng mga volunteer—mga magulang, guro, estudyante, at alumnus, miyembro ng mga grupong sibiko, at iba pa sa komunidad—ang dumadagsa sa mga eskuwelahan upang tiyaking handa na ang lahat, at ligtas at malinis ang babalikang paaralan ng mga bata.
Ngayong taon, magdaraos ang Brigada Eskwela ng seremonya para sa pormal na paglulunsad ng programa sa Sta. Cruz Pingkian High School sa Kayapa, Nueva Vizcaya. Ilulunsad rin sa programa ang pagpapatupad sa buong bansa ng Senior High School program, na nagdagdag ng dalawang taon sa basic education sa bansa, alinsunod sa Kto12. Sinabi ni DepEd Secretary Armin Luistro na sasaklawin din ng mga aktibidad ng Brigada Eskwela ngayong taon ang paghahanda sa mga kalamidad upang ihanda ang mga eskuwelahan sa bagyo, baha, at lindol.
Makikiisa rin ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa pagbubukas ng eskuwela sa pamamagitan ng Inter-Agency Taskforce ng Oplan Balik Eskwela, na pangungunahan ng Department of Education, katuwang ang mga serbisyo ng pulisya, trapiko, kuryente, tubig, klima at iba pa. Ngunit ang pakikibahagi ng komunidad ang sentro ng Balik Eskwela.
Kaya simula sa Mayo 28 hanggang Hunyo 18, magsasama-sama ang buong komunidad sa mga paaralan sa bansa, taos-pusong maglalaan ng kanilang panahon, pagod, pera, at iba pa upang matiyak na sa muling pagpasok ng mga bata sa eskuwela sa Hunyo 13 ay walang silid-aralan na may sirang bintana, malinis at maayos ang pagkakapuwesto ng mga upuan, mesa at pisara, at malinis ang campus.
Isa itong napakagandang pagpapakita ng diwa ng bayanihan ng mga Pilipino.