Ni BELLA GAMOTEA
Magpapatupad ng big time oil price hike ang mga kumpanya ng langis sa bansa sa pangunguna ng Pilipinas Shell ngayong araw.
Sa pahayag ng Shell, epektibo 6:00 ng umaga ng Mayo 24 ay magtataas ito ng P1.25 sa presyo ng bawat litro ng kerosene, P1.20 sa gasoline at P1.00 sa diesel.
Sinabi naman ng Seaoil na itataas nito ang presyo ng gasoline ng P1.20 kada litro, diesel sa P1.00 kada litro, at kerosene sa P1.25 bawat litro.
Magtataas din ng presyo ng kanilang produkto ang Phoenix Petroleum Philippines.
Sa advisory kahapon, sinabi ng kumpanya na itataas nito ang presyo ng diesel ng P1.00 kada litro at gasoline ng P1.20 kada litro, epektibo 6:00 ngayong umaga.
Binanggit ng kumpanya na ang mas mataas na presyo ay bunsod ng pagtaas ng presyo ng krudo dahil sa mga tensiyon sa Nigeria at wildfire sa Canada.
Asahan na ang pagsunod ng ibang kumpanya ng langis sa kaparehong taas-presyo sa petrolyo kahit hindi pa naglalabas ng abiso ang mga ito.