MABAGSIK ang babala ng bagong hirang na hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Chief Supt. Ronald de Rods, a.k.a. “Bato”, “Rock” o “Vin Diesel” ng Davao City laban sa mga drug lord-trafficker-pusher-user. Hindi lang daw niya itutumba ang mga ito kundi ililibing sila nang sabay-sabay. Si Gen. Bato, este Chief Supt. Dela Rosa (PMA Class ‘86), ayon sa istorya ng Balita, ay katulad din ng kanyang itinuturing na ama, si presumptive president-elect Rodrigo Roa Duterte (RRD), na palamura pero palabiro rin naman. Iisa ang kanilang istilo at adhikain laban sa mga kriminal, lalo na ang mga sangkot sa ilegal na droga.
Tinatawag palang BATO si Gen. Dela Rosa hindi lang dahil sa kanyang maskuladong pangangatawan na tulad ng kanyang idolo sa pelikula na si Vin Diesel kundi dahil siya ay lumaki sa Barangay Bato, Sta. Cruz, Davao del Sur. Pareho sila ni Vin Diesel na kalbo at handang pumatay ng mga kalaban, partikular ng mga sangkot sa ilegal na droga. ‘Di ba’t ang shabu ay tinatawag ding “Bato”. Dudurugin ito ni Gen. Bato.
Naniniwala siya na pinili siya ni RRD bilang hepe ng PNP bunsod ng kanyang determinasyon na sugpuin ang patuloy na paglaganap ng droga na sinasabing ugat ng maraming krimen sa bansa o drug-related. “Our focus? Patayan sa drugs. Patayan talaga ito sa drugs kaya kayong mga drug lord dyan, humanda kayo!” warning ni Dela Rosa.
Nalakdawan niya sa pagkakapili bilang bagong PNP chief Director-General ang kapwa mga nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA) na Class 1983, 1984, at 1986. Kumpiyansa si Bato na kahit nalampasan niya sa promosyon ang mga senior officer sa PMA, makikipagtulungan sila at maiintindihan ang sitwasyon.
Nagbabala siya sa lahat ng tauhan at pinuno ng pulisya na kung sila ay sangkot sa ilegal na droga, tumatabi-tabi muna sila o mabuti pang mag-resign. Hindi rin niya umano sasantuhin ang mga PNP officer na senior sa kanya na haharang sa kanyang liderato sa layuning mapuksa ang illegal drugs sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan tulad ng pangako ni Mayor Duterte. Sasagasaan niya sila.
Sa mga lider ng bansa sa mundo, si US President Barack Obama ang unang bumati kay RRD sa pagkakapanalo sa May 2016 elections. Siya ang magiging ika-16 Presidente ng bansa pagsapit ng Hunyo 30, kapalit ni PNoy. Ayon sa machong alkalde, tinawagan siya ni Obama para batiin. Labis daw siyang nasiyahan at tumanggap ng karangalan sa pagbati ng pinakamakapangyarihang lider ng bansa sa buong mundo, ang ngayon ay nag-iisang Superpower Nation, ang United States.
Pahayag ni President Rody: “I assured him that we will continue with our mutal interests, and that we are allies with the Western world in this issue on the South China Sea (West Phil. Sea)”. Pinayuhan daw siya ni Obama na hintayin muna ang desisyon ng Arbitral Tribunal mula sa The Netherlands tungkol sa protesta ng Pilipinas sa pangangamkam ng China sa mga teritoryo sa WPS. Balak yata niyang makipag-usap sa China.