Pinakiusapan ng isang retiradong arsobispo si incoming President Rodrigo Duterte na mag-ingat sa pagsasalita laban sa Simbahang Katoliko.
Reaksiyon ito ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz sa pahayag ni Duterte na ang relihiyon ang pinaka-ipokritong institusyon sa bansa.
Aminado si Cruz, dating pangulo ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), na ang mga taong simbahan, gaya nilang mga obispo at mga pari, ay maraming pagkakamali at pagkakasala dahil tao lang din sila.
Gayunman, ayon sa arsobispo, bagamat tama si Duterte na marami talagang pagkukulang ang mga taong simbahan, dapat aniyang maging maingat sa pagbibigay ang bagong pangulo.
Ipinaliwanag ni Cruz na ang “Simbahan” ay iba sa “taong simbahan”, dahil ang Simbahan ay banal at mananatiling matatag at nag-iisa.
“Tama siya na marami kaming pagkukulang, kaming mga taong simbahan, pero hindi kami ang simbahan,” paliwanag ni Cruz. “Ang taong simbahan po gaya naming mga obispo at mga pari, marami kaming pagkukulang. Hindi naman namin itinatanggi ‘yun, hindi naman po sekreto na marami kaming pagkakamali. Pero ang simbahan po ay iba po ‘yan, ‘yan po ay banal, nag-iisa. Ang tao malilibing na, magiging abo na, pero ang simbahan ay nakatayo pa rin.”
Nilinaw ni Cruz na hindi naman niya pinapayuhan si Duterte, at nagbirong mahirap payuhan ang isang tao kapag may edad na dahil hindi na ito matututo.
“Wala po akong payo kay President Duterte. Kapag po matanda na ang tao ay hindi na matututo, eh. Hindi po ako magpapayo, hindi naman ako pakikinggan, baka pati ako mamura,” biro ni Cruz. - Mary Ann Santiago