MAGLULUNSAD ang World Bank ng agarang maipalalabas na $500-million insurance fund laban sa mga nakamamatay na pandemic sa mahihirap na bansa, na nagbigay-daan sa kauna-unahang insurance market para sa panganib na kaakibat ng epidemya.
Nangako ang Japan na magkakaloob ng unang $50 million para sa pasilidad, na isasama sa malilikom na pondo mula sa merkado ng reinsurance sa tulong ng bagong uri ng “catastrophe bond” ng World Bank laban sa epidemya, ayon sa bangko.
Sa mga kaso ng pandemic outbreak, agarang maglalabas ang pasilidad ng pondo para sa mga apektadong mahirap na bansa at mga kuwalipikado na pandaigdigang first-responder agency. Nagsimula ang layunin ng bagong pasilidad kasunod ng mabagal na pandaigdigang pagtugon sa epidemya ng Ebola noong 2014, nang inabot nang ilang buwan bago nakalikom ng kaukulang pondo para sa mga apektadong bansa, habang patuloy sa pagdami ang namamatay sa sakit.
“The recent Ebola crisis in West Africa was a tragedy that we were simply not prepared for. It was a wake-up call to the world,” sabi ni World Bank President Jim Yong Kim.
“We can’t change the speed of a hurricane or the magnitude of an earthquake, but we can change the trajectory of an outbreak. With enough money sent to the right place at the right time, we can save lives and protect economies,” paliwanag pa ni Kim.
Ang tinatawag na Pandemic Emergency Financing Facility ang magkakaloob ng hanggang $500 million na maaaring agad na ipamahagi upang labanan ang epidemya, at ilalabas ang pondo kapag nakatupad sa mga parametric trigger, batay sa lawak, tindi at pagkalat ng sakit.
Dinebelop ang pasilidad katuwang ang World Health Organization at ang mga reinsurer na Swiss Re at Munich Re, na nagsisilbing mga insurance provider.
Subalit ang mekanismo ng seguro ay limitado lamang sa ilang uri ng nakahahawang sakit na posibleng mauwi sa epidemya, kabilang na ang ilang klase ng influenza, sakit sa baga na tulad ng SARS at MERS, at iba pang nakamamatay na virus, gaya ng Ebola at Marburg. Sinabi ni Kim na ang mga uri ng karamdamang kuwalipikadong pondohan ay kailangang limitado upang matiyak na naisasakatuparan ang polisiya sa seguro, na babayaran naman ng World Bank ang premiums.
Hindi naman saklaw ng insurance scheme ang nagmumula sa lamok na Zika virus, na patuloy na kumalat ngayon sa Latin America, ngunit sinabi ni Kim na ang mga pondo para sa Zika at sa iba pang sakit na maaaring magbunsod ng epidemya ay maaaring matamo sa hiwalay sa cash window, na tinatayang aabot sa $100 million.
Sinabi naman ni Kim, na inihayag ang tungkol sa pasilidad sa pulong ng mga finance minister at central bank governor ng Group of Seven sa Sendai sa Japan, na umaasa siya ng mas maraming kontribusyon mula sa G7 at sa iba pang mga donor.
Ayon kay Kim, umaasa siyang makatutulong ang bagong pasilidad upang maitatag ang merkado para sa panganib ng pandemic, gaya ng inilaan para labanan ang mga panganib ng kalamidad simula noong dekada ’90. Batay sa pagtataya ng World Bank, kung noong kalagitnaan ng 2014 pa binuksan ang pasilidad, nasa $100 million ang mailalabas bilang paunang pondo noong Hulyo ng taong iyon at epektibong mapipigilan ang pagkalat ng Ebola epidemic.
Sa halip, tatlong buwan pa ang lumipas bago bumuhos ang pondo para rito, sapat na panahon upang tumaas nang hanggang sampung doble ang mga kaso ng Ebola. - Reuters