Alyssa Valdez

Sa ikalawang pagkakataon sa kanyang athletic career sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP), tinanghal na Athlete of the Year si Alyssa Valdez sa pagtatapos ng UAAP Season 78 nitong Sabado ng gabi sa UP Bahay ng Alumni Building sa UP Diliman campus.

Tinanghal na co-Athlete of the Year ang UAAP women’s volleyball 3-time MVP kasama sina Rio Olympic bound Ian Larriba (table tennis) ng De La Salle University, Jessie King Lacuna ng Ateneo (swimming), at si Queeny Sabobo ng Adamson University.

Hindi nakadalo sa awarding ceremony ang 22-anyos na si Valdez dahil sa biyahe sa Qatar kung saan kabilang siya sa magsasagawa ng volleyball exhibition game.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Ito ang ikalawang pagkakataon na tinanghal si Valdez na Athlete of the Year na nagdagdag na naman ng panibagong karangalan sa kanyang koleksiyon bilang isang volleyball player matapos tanghaling Junior Athlete of the Year ng liga noong Season 71.

Si Valdez ang tanging atleta sa UAAP na tumanggap ng prestihiyosong parangal sa high school at collegiate level.

Napili naman si Lariba dahil na rin sa kahanga-hanga nitong achievement kung saan hindi siya nakaranas na matalo sa loob ng limang taon ng paglaro sa DLSU women’s table tennis squad na muli niyang pinangunahan sa isang back-to-back championships bago man siya nakagawa ng kasaysayan bilang unang Filipino paddle netter na nag-qualify sa Olympics matapos makalusot sa 2016 ITTF-Asia Olympic Games Qualification Tournament na ginanap sa Hong Kong.

Bukod dito, naging kinatawan din siya ng bansa sa Singapore Southeast Asian Games.

Gaya ni Vladez, nahirang naman si Sabobo sa team sport matapos pangunahan ang Adamson sa kanilang makasaysayang 6-peat crown sa softball.

“Masaya po ako kasi kahit na po hindi ganoon kasikat ang sport ko nabibigyan pa rin kami ng recognition,” pahayag ng  21-anyos na miyembro ng  national softball team na nagwagi ng gold medal noong nakaraang Singapore SEAGames.

Bukod sa kanyang pagiging MVP, tumanggap din ang Negros Occidental native ng parangal bilang Best Slugger, Most Home Runs, Most Batted in, at Finals MVP ngayong taon.

Pormal ring isinalin ng University of the Philippines sa pamamagitan ni UP president Michael Tan ang bandila ng UAAP sa incoming host University of Santo Tomas na kinatawan ni board representative Fr. Ermito de Sagon. - Marivic Awitan