Sean Penn

IDINEPENSA ni Sean Penn ang bago niyang pelikula tungkol sa mga aid worker sa Africa na pinagbibidahan ng dati niyang nobyang si Charlize Theron, laban sa mga kritiko sa Cannes Film Festival, sinabing nag-aalok ito ng bahagyang “entertainment” habang tinatalakay ang malalaking isyu.

Ang The Last Face ang ikalimang pelikulang idinirehe ni Sean at pinagbibidahan ng South African-born na si Charlize at ng Spanish na si Javier Bardem — parehong Oscar-winner — bilang mga doktor na nagsisikap panatilihin ang kanilang relasyon habang pinaghihiwalay ng kani-kanilang pagkakawanggawa sa mga lugar ng digmaan.

Tampok sa pelikula ang mga brutal na eksena ng pagsalakay ng mga rebelde na iniiwang wasak ang mga komunidad habang nag-iiyakan naman ang mga batang naulila sa paghingi ng tulong medikal, ngunit partikular na nakatuon ang pelikula sa dalawang puting bida.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Sa preview screening, pinagtawanan ng audience ang walang kabuhay-buhay na mga diyalogo at hindi kapani-paniwalang plot lines ng pelikula.

Sa pagtatapos ng The Last Face, umalingawngaw ang pinakamalakas na “boo” sa 12-araw na film festival. Inilarawan ng The Hollywood Reporter magazine ang pelikula na isang “stunningly self-important but numbingly empty cocktail of romance and insulting refugee porn”.

Binigyan naman ito ng The Guardian ng one out of five stars, at may headline na “African conflict is aphrodisiac for white people in Sean Penn’s crass romance” sa rebyu, samantala tinawag ito ng Time Out na isang “pompous, ethically bankrupt humanitarian aid drama”.

Halatang napikon si Sean at walang reaksiyon si Charlize nang humarap sa asiwang press conference tungkol sa hindi magandang pagtanggap sa pelikula, at nausisa rin ang pagtatrabaho ng dating magkasintahan na noong nakaraang taon lang naghiwalay.

“I stand behind the film as it is, and certainly everyone is entitled to their response,” sabi ni Sean, at pinuri ang “great performances” ng mga bida ng pelikula. “The gifts — the humility and the ego — that the people around me gave are more valuable than a discussion of what’s difficult.”

Sinabi ni Sean na “too much of film today” ay nagmula sa hungkag na entertainment at walang kuwentang provocation na “pulling us away from our humanity”.

Sa pagtatanggol sa dating nobyo, sinabi ni Charlize na sinikap ni Sean na gayahin ang aktuwal na nangyayari sa mga refugee camp, batay na rin sa naging karanasan ng direktor sa sarili nitong pagkakawanggawa.

Isa ang The Last Face sa 21 pelikulang lumahok para sa Palme d’Or, na napanalunan ng 79-anyos na British director na si Ken Loach para sa I, Daniel Blake. - Agencé France Presse