Magbabalik na ang regular session ng Kongreso ngayong Lunes upang paghandaan ang pagiging National Board of Canvassers ng mga mambabatas, at inaasahan ding magkakaroon ng pinal na desisyon sa mahahalagang panukala na nananatiling nakabimbin, kabilang ang na-veto na P2,000 dagdag sa pensiyon ng mga retirado sa pribadong sektor.

Ito ang inaasahan ngayong nahahati pa rin ang mga bagitong kongresista kung isasama ba sa listahan ng mga prioridad na ipasa sa 17th Congress ang panukalang Social Security System (SSS) pension hike na ibinasura ni Pangulong Aquino.

Umaasa ang mga kongresista na maipapasa pa rin ng Kongreso ang panukalang Salary Standardization Law 4, pagtatatag ng mga Special Education Center, Foreign Investment Act, at pag-amyenda sa Bangko Sentral Charter.

Magpapasa ngayong Lunes ang Kamara at Senado ng mga resolusyon na magbibigay ng kapangyarihan sa isang joint session para sa national canvassing, ngunit posibleng makapaglaan din ng panahon para maipasa ang mahahalagang panukala bago opisyal na bilangin ang mga boto para sa presidente at bise presidente.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Una nang iginiit ni Davao del Norte Rep. Pantaleon “Bebot” Alvarez, na usap-usapang magiging susunod na House Speaker, na mapabilang sa mga prioridad ng susunod na administrasyon ang panukala sa dagdag-pensiyon, sinabing posibleng ideklara ito ni incoming President Rodrigo Duterte bilang urgent.

“As one of the proponents of the bill, I am still hoping Congress will approve it before the end of the 16th Congress. If this measure is not given a shot, I will definitely be one of those who will work for its approval in the next Congress,” sabi naman ng isa sa mga may akda ng panukala na si Parañaque City Rep. Gus Tambunting. - Ben R. Rosario