Hindi pa man tuluyang naipoproklama ang mga nanalo sa katatapos na eleksiyon, pinagpaplanuhan na ng Commission on Elections (Comelec) ang pagpapabuti sa susunod na halalan sa bansa.

Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, magsisimula na ang poll body sa pagbalangkas sa isang strategic planning conference para sa mga repomang ipatutupad sa 2019 midterm elections.

Sinabi ni Bautista na dahil naiproklama na nila ang 12 nanalong senador at 46 na party-list organization, maaari na nila ngayong tutukan ang mga reporma para sa susunod na halalan.

Aniya, kabilang sa mga tatalakayin ng Comelec sa kumperensiya ang posibleng pag-amyenda sa Omnibus Election Code (OEC) o Batas Pambansa Bilang 881, na ipinasa noon pang 1985.

National

Zamboanga del Norte, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol; Aftershocks at pinsala, asahan!

Naniniwala si Bautista na kailangan nang palitan ang OEC, na binuo noong manu-mano pa ang halalan sa bansa, dahil hindi na ito naaayon sa automated elections.

Bukod dito, nais din umano ng Comelec na baguhin ang campaign spending limits na nasa ilalim ng OEC, dahil sa nagmahal na ang presyo ng mga bilihin ngayon.

Una nang sinabi ni Bautista na ang katatapos na halalan ay naging credible, nakapagtala ng mas mabilis na transmission rate, at mas mataas na voters’ turn out.

Sa kabila nito, sinabi ni Bautista na rerepasuhin at ia-assess pa rin nila ang kinalabasan ng eleksiyon nitong Mayo 9 upang matukoy ang mga kinakailangang baguhin upang lalo pang mapaghusay ang mga susunod na halalan sa bansa. - Mary Ann Santiago