Humarurot ang dehadong Radio Active tungo sa impresibong panalo sa first leg ng Philippine Racing Commission Triple Crown series, kahapon sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.

Nagulat ang lahat sa lupit na ipinamalas ng Radio Active na nagwagi sa layong pitong length, sapat para makopo ang P1.8 milyon para sa may-aring SC Stockfarm Inc.

Pinangasiwaan ni Nestor Manalang ang pagsasanay sa Radio Active.

Nakamit din ng radio Active ang P100,000 breeder’s purse. Nagmula ang Radio Active sa lahi ng Expensive Toys (sire) at Lacquaria (dam).

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Tumapos sa likod ang Underwood at Space Needle, kapwa alaga ng Stony Horse Farm Inc., para sa premyong P675,000 at P375,000, ayon sa pagkakasunod.

Ang three-leg series ng pakarera, ay hinalaw sa pamosong Triple Crown ng United States na binubuo ng Kentucky Derby, Preakness Stakes at Belmont Stakes.

Nanguna ang Indianpana ng Deemark International Trading Corp sa unang bulusok ng 1,600-meter race, kasunod ang paboritong Dewey Boulevard ni Hermie Esguerra. Bumuntot sa kanila ang Space Needle at Radio Active, na pawang naghahanap ng pagkakaton na makasingit.

Sa kalagitnaan ng karera, humataw ang Dewey Boulevard kasunod ang Radio Active, Space Needle at nasa ikaapat ang Indianpana.

Sa ratsadahan, nakakuha ng pagkakataon si jockey John Alvin Guce para ilagay ang Radio Active sa unahan at hindi na tinantanan ang hataw tungo sa finish line.

Sa labis na kasiyahan, tumayo sa kanyang kabayo si Guce bago umabot sa hangganan ng oval at pinatawan ng multang P1,000.

Sinimulan ang Triple Crown series noong 1978 kung saan nagwagi ang Native Gift sa unang dalawang leg bago nasingitan ng Majority Rule. Sa kasayayan, 10 pa lamang ang nakapagwawagi ng Triple Crown: Fair and Square (1981), Skywalker (1983), Time Master (1987), Magic Showtime (1988), Sun Dancer (1989), Strong Material (1996), Real Top (1998), Silver Story (2001), Hagdang Bato (2012), at Kid Molave (2014).