LOPEZ, Quezon – Nakubkob ng grupo ng mga sundalo ang isang kampo ng New People’s Army (NPA) sa Sitio Baliswang Complex sa Barangay Cawayanin sa bayang ito, nitong Sabado ng umaga.

Ayon sa ulat, dakong 9:15 ng umaga nang makasagupa ng mga tauhan ng 74th Infantry Battalion ang nasa 20 rebelde habang nagsasagawa ng combat operation ang militar.

Pinaniniwalaang sa nasabing kampo ng NPA nangyari ang engkuwentro, na tumagal nang 30 minuto hanggang sa napilitang umurong ang mga rebelde.

Idinagdag sa ulat na nagawang makubkob ng militar ang kampo, na kayang tumanggap ng 20-30 katao.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Walang nasugatan sa panig ng Philippine Army, habang sinasabing marami naman ang nasugatan sa NPA, batay sa mga bakas ng dugo sa dinaanan ng mga ito sa pagtakas.

Narekober mula sa pinangyarihan ang isang improvised explosive device, isang mahabang magazine para sa M16 rifle, dalawang bala ng M203, siyam na bala ng M16, mga kable ng kuryente, at pagkain.

Nagsagawa ang pulisya at militar ng pursuit operation, partikular na sa bayan ng Mulanay, para tugisin ang mga rebelde. - Danny J. Estacio