Hindi hangad ni Pangulong Aquino na isabotahe ang usapang pangkapayapaan ng administrasyon ni incoming President Rodrigo Duterte at ng National Democratic Front (NDF).

Ito ang binigyang-diin ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr., sinabing puntirya rin ni Aquino ang pangmatagalang kapayapaan para sa bansa.

Ang pahayag ni Coloma ay bilang reaksiyon sa akusasyon ng Anakpawis Party-list na planong isabotahe ni Sen. Antonio Trillanes, na kilalang kritiko ni Duterte, at ng Liberal Party, na pinamumunuan ni Pangulong Aquino, ang isinusulong ng susunod na administrasyon na peace negotiations sa NDF.

“Wala pong katwiran, walang batayan at walang katotohanan ang paratang na ‘yan laban kay Pangulong Aquino dahil hayag naman po ang commitment ng ating Pangulo. By deed and by action, ipinakita niya o ginamit niya ang kanyang pagiging Pangulo sa pagbubuo ng mga kinakailangang hakbang para isulong ang prosesong pangkapayapaan,” pahayag ni Coloma sa panayam ng Radyo ng Bayan.

National

PH History, ibabalik na bilang subject sa high school?

Ang NDF ang political front ng Communist Party of the Philippines (CPP), na lumalaban sa administrasyon simula pa noong dekada ’60.

Si Jose Maria Sison, kilalang kaibigan at dating guro ni Duterte, ang nagtatag ng CPP.

Una nang sinabi ni Duterte na nais niyang makabalik si Sison sa Pilipinas sa kanyang pag-upo sa Malacañang. - Ellson A. Quismorio