Mistulang bula na naglaho sa paningin ng mga opisyal ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) ang pangarap na Olympic slot sa women’s side nang mabigo si Nesthy Petecio sa unang laban sa AIBA Women’s Boxing Championship kahapon, sa Astana, Kazakhstan.

Matikas na nakihamok si Petecio, ngunit ibinigay ng hurado ang iskor na 2-1 pabor kay Zohra Ez Zahraousing ng Mauritius.

Dahil sa kabiguan ay agad naglaho ang tsansa ng Pilipinas sa isang silya sa 2016 Olympic Games na gaganapin sa Rio de Janeiro, Brazil, sa Agosto 5-21.

Tanging konsolasyon sa Pilipinas ang pagwawagi ni Singapore SEA Games champion at 2012 World Women’s Boxing Championship champion Josie Gabuco sa light flyweight division (45-48 kg), sa pag-uwi nito ng referee-stopped-contest sa ikalawang round para sa 2-0 panalo kontra kay Sevda Asenova ng Bulgaria.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Pinaglalabanan lamang sa dibisyon ni Gabuco ang gintong medalya dahil hindi kasali sa Rio Olympics ang kanyang kategorya, gayundin ang bantamweight o 54kg na kinabibilangan ni Singapore SEA Games silver medalist Irish Magno na nabigo din sa una nitong laban.  

Nahugot ni Gabuco ang 39:35, 40:34 at 37:37 iskor mula sa limang hurado, habang nalasap ni Magno ang isa pang kontrobersiyal na 0-3 kabiguan kontra kay Bolortuul Tumurkhuyag ng Mongolia matapos isagawa ang countback sa tatlong round dahil sa mga iskor na 38:38, 38:38 at 38:38. - Angie Oredo