(huling Bahagi)
HINDI natatapos ang buwan ng Mayo nang walang Santakrusan sa mga barangay, bayan at lungsod. Ang Santakrusan ang pinakamakulay na pagdiriwang sa Pilipinas tuwing Mayo. Itinuturing ang Santakrusan na “Queen of Filipino Festival” na inilalarawan at ginugunita ang pagkakatagpo sa Banal na Krus ni Reyna Elena, ang ina ng batang hari na si Constantino.
Sinasabing noong taong 326, naglakbay si Reyna Elena sa Jerusalem at natuklasan ang tatlong krus. Isa sa mga krus ang may milagrosong kapangyarihan at pinaniwalaan ni Reyna Elena na iyon ang pinagpakuan at kinamatayan ni Kristo sa kalbaryo. Ang kapistahan ng Santa Cruz ay itinakda ng Simbahan tuwing ika-3 ng Mayo.
Ang pista ng Santa Cruz ay nagsimula noong kapanahunan ng mga unang Simbahang Kristiyano. Dinala at ipinakilala sa Pilipinas ng mga misyonerong Kastila. Ginamit sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo na bahagi ng kanilang misyon sa iba’t ibang bahagi ng ating Bayang Magiliw. Bunga nito, ang Santa Cruz ay naging patron at ipinangalan sa mga bayan, lungsod at barangay tulad ng Sta. Cruz, Laguna, Sta Cruz, Maynila, Sta Cruz, Ilocos Sur, Barangay Sta. Cruz, sa Antipolo City, Rizal at iba pang lugar sa ating bansa.
Hindi karaniwang mga imahen ng santo at santa ang kasama sa prusisyon ng Santakrusan. Ito ay binubuo ng 17 tauhan sa Bibliya (Biblcal characters). Kasama ang mga Maria na kumakatawan sa siyam na tawag sa Mahal na Birhen. Mababanggit na halimbawa ang Rosa Mystica na may dalang mga rosas; Reyna del Cielo, Reyna Paz, Reyna de los Virgines, at ang Reyna de las Flores (Reyna ng mga Bulaklak).
Ang ika-18 tauhan ay ang Reyna Elena, kumakatawan kay Reyna Elena, ang nakatagpo sa tunay na Banal na Krus sa Kalbaryo na ang simbolo ay ang maliit na krus na kanyang hawak-hawak.
Ang Santakrusan ay idinaraan sa mga pangunahing lansangan sa bayan na karaniwang nasisimula sa harap ng simbhan o kapilya at nagwawakas sa tapat ng bahay ng napiling Reyna Elena.
Sa paglipas ng panahon, nagkaroon ng pagbabago ang Santakrusan. Ang mga orihinal na tauhan ng Reyna Elena, ng Constantino ay nakasama sa agos ng pagbago. Ang Reyna Elena ay kinakatawan na ng mga beauty queen, artista at mga kilalang personalidad. Ilan taon lamang ang nakalilipas, sinabihan ng mga opisyal ng Simbahan na hindi maaaring makiisa ang mga homosexual o bakla sa Santakrusan sapagkat nakokompromiso ang kabanalan. Nawawala rin ang religious traditions.
Sa ilang parokya, tulad sa Diocese ng Antipolo, ang Santakrusan, bilang pagpapahalaga sa tradisyon ay may isang araw na nakalaan para sa pagdaraos ng grand Santakrusan. May mga pagbabago man sa Santakrusan, tuwing buwan ng Mayo, magpapatuloy pa rin ang pagbibigay-buhay at pagpaphalaga sa tradisyong ito ng mga Pilipino.