OKLAHOMA CITY (AP) — Nakaririndi ang depensa ng Oklahoma City at halos perpekto ang opensa nina Kevin Durant at Russell Westbrook para sandigan ang dominanteng 133-105 panalo ng Thunder kontar sa defending NBA champion Golden State Warriors sa Game 3 ng Western Conference finals.
Hataw si Durant sa naiskor na 33 puntos, habang kumubra si Westbrook ng 30 puntos, 12 assist at walong rebound para makaabante ang Thunder sa 2-1 sa best-of-seven series.
Gaganapin ang Game 4 sa Oklahoma City sa Martes (Miyerkules sa Manila).
Sa pagkakataong ito at sa sitwasyong kinalalagyan, kakailanganin ng Warriors ang higit na tapang para makasalba sa serye.
Naghabol ang Warriors, nakagawa ng NBA record na 72 panalo sa regular season, sa kabuuan ng laro na umabot sa 41 puntos, pinakamalaking kalamangan na naibigay sa Warriors ngayong season.
“We got what we deserved,” pag-amin ni Warriors coach Steve Kerr.
Naitala ni Durant ang 10 of 15 shot, habang kumana si Westbrook ng 10 of 19. Ito ang unang pagkakataon sa post season na kapwa tumipa ng 50 porsiyento sa field goal ang dalawang Thunder star.
“We’re not going to win that way,” pahayag ni Golden State guard Klay Thompson. “One of those guys got to have an off night.”
Nag-ambag si Serge Ibaka ng 14 puntos at walong rebound sa Thunder.
“That’s one thing we slipped up on in Game Two, and I think tonight, we did a good job of getting loose balls and finding ways to get 50/50 basketballs and give ourselves extra possessions,” sambit ni Westbrook.
Nasa balag na alanganin ang Warriors sa pag-arangkada ng Game Four, ngunit nanatiling kumpiyansa si Kerr sa pagbangon ng koponan. Nalagay din sa katulad na sitwasyon ang Golden State laban sa Memphis at Cleveland tungo sa kampeonato sa nakalipas na season.
“Both times, we got blown out in Game Three, and we responded well, so we have that memory,” sambit ni Kerr.
“I’m confident we’re going to come out and play a really good game in Game Four, and we’ll see what happens,” aniya.