Inihayag ng kampo ni Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na may nakalap silang karagdagang ebidensiya na magpapatunay na may nangyaring dayaan sa ilang lugar sa Mindanao noong eleksiyon, na ang pasimuno umano ay ang kampo ng Liberal Party.
Sa kanilang pagdalo sa Anabel’s Forum sa Quezon City kamakalawa, sinabi ng mga miyembro ng Alyansang Duterte-Bongbong (AlDuB) sa media na nasaksihan nila ang mga pandaraya ng LP sa Basilan.
Ayon sa dalawang umano’y testigo na sina Victor Abillo at Abdurasad Teodoro, kapwa provincial coordinator ng AlDuB sa Basilan, iniulat ng kanilang mga poll watcher sa iba’t ibang munisipalidad na maraming botante ang hindi pinayagang makaboto ng mga armadong lalaki na kinontrol ang mga polling precinct.
“Wala pong nangyaring botohan sa maraming lugar sa Basilan dahil pinigilan ang mga tao na bumoto at sinabing wala nang botohan kahit alas sais (6:00) pa lang ng umaga,” ayon kay Abillo.
Iginiit ni Abillo na sa mga naturang lugar, bokya ang nakuhang boto ng lahat ng kandidato sa pagka-presidente at bise presidente maliban kina Mar Roxas at Leni Robredo, na kapwa pambato ng administrasyon.
Kasama nina Abillo at Teodoro na humarap sa media ang tatlong iba pang testigo na nagsabing walang botohan na nangyari sa maraming lugar sa Basilan.
Bagamat tumanggi ang tatlong testigo na magbigay ng panayam sa mga mamamahayag, handa naman silang lumagda sa isang sinumpaang salaysay hinggil sa kanilang mga nakitang dayaan umano sa halalan.
Iprinisinta rin ni Abillo ang sworn affidavit ni Amina Muarip, nanalong konsehal, na nagsabing siya at ang kanyang mga tagasuporta ay hindi pinayagang makaboto sa Barangay Candiis sa Hadji Mohammad Ajul, Basilan, ng umano’y mga tagasuporta ng Liberal Party. - Mario B. Casayuran