Ni Samuel P. Medenilla

Upang madagdagan ang mga benepisyo ng libu-libong sakada sa bansa, inihayag ng Department of Labor and Employment (DoLE) na inaprubahan nito ang P3,000 karagdagan sa cash benefits ng nasabing mga manggagawa.

Inilabas ni Labor and Employment Secretary Rosalinda Baldoz sa unang bahagi ng buwang ito ang Department Order (DO) No. 114-A, series of 2016, na nagtataas sa halaga ng maternity at death benefits, sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP), para sa industriya ng asukal.

“The amount of cash benefits has been increased from P2,000 to P5,000 for maternity benefit, and from P7,000 to P10,000 for death benefit,” ani Baldoz.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Napakalaking bagay ng nabanggit na rate adjustments dahil 1996 pa huling itinaas ng DoLE ang maternity benefits ng mga sakada, habang 2001 naman huling nadagdagan ang halaga ng death benefits.

Paliwanag ni Baldoz, maisasakatuparan ng kagawaran ang DO 114-A dahil gagamitin dito ang mga hindi nagamit na pondo para sa maternity at death benefits, gayundin ang inaasahang koleksiyon mula sa sektor ng asukal sa mga susunod na taon.

Layunin nito, ayon kay Baldoz, na makaagapay sa mga pangangailangan ng mga sakada sa bansa.

“The increase was made considering that the monetary value of said benefits has been eroded over the years and cannot anymore sufficiently augment the cost of child giving birth and funeral services,” sabi ni Baldoz.

Ang nasabing ayuda ng SAP ay karagdagan sa mga benepisyong ipinagkakaloob na ng SAP sa mga sakada, kabilang ang Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), at collective bargaining agreements (CBA).

“To claim the said benefits, qualified applicants may coordinate with the nearest DoLE Provincial or Field Office in their area regarding the requirements and other details,” ani Baldoz.

Ayon sa Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC) ng DoLE, nasa 3,000 sakada ang nag-avail ng SAP maternity benefit at 2,000 ang kumukuha ng SAP death benefit kada taon.