Kritikal ngayon ang isang babaeng fish dealer matapos siyang pagbabarilin ng isang holdaper habang sakay siya sa kanyang truck sa Barangay Bagumbayan North, Navotas City, kahapon.
Isinugod sa Tondo General Hospital si Maricel Dalangpan, 36, residente ng Sta. Rosa, Laguna, bunsod ng tama ng bala sa ulo. Kalaunan ay inilipat siya sa ibang ospital, ayon sa pulisya.
Ayon sa pulisya, sakay sa isang truck si Dalangpan kasama ang kanyang driver nang holdapin sila ng isang lalaki sa Bgy. Bagumbayan North, dakong 2:30 ng umaga.
Nakaparada ang truck sa Navotas Fish Port nang mangyari ang pamamaril, ayon sa imbestigasyon.
Sinabi ng mga saksi sa pulisya na biglang sumulpot ang holdaper sa tabi ng truck at binaril si Dalangpan gamit ang isang .45 caliber pistol.
Bigo naman ang pulisya na banggitin kung tinangay ng holdaper ang gamit o pera ni Dalangpan bago ito tumakas.
Ayon naman sa doktor ng biktima, masuwerte si Dalangpan at hindi ito napuruhan ng tama ng bala sa utak kaya malaki ang posibilidad na ito ay makaliligtas sa kamatayan. - Jel Santos