NGAYON palang ay hindi na maganda ang ibinubunga ng shoot to kill order na igagawad ni Pangulong Digong sa mga pulis at militar pagkaupo niya. Ipinahayag niya sa mga nauna niyang press conference, pagkatapos ng botohan, na kapag ang mga ito ay nanghuli ng kriminal at lumaban na malalagay sa panganib ang kanilang buhay, puwede nila itong barilin at patayin.
Labis pa rito ang ginagawa ngayon ng bagong alkalde ng Cebu na si Tommy Osmeña. Inanunsiyo niya na may pabuya ang sinumang makapatay ng kriminal. Makatatanggap ang pulis ng P50,000 kapag nakapatay ito ng sangkot sa illegal drugs. Iyon ngang taxi driver na nakapatay ng dalawang holdaper ay binigyan niya ng pabuya.
Sa Tanauan, Batangas, ipinagpatuloy ng alkalde ang shame campaign laban sa mga umano’y kriminal. Noong una, ang taong nagnakaw ng isdang tuyo na ipinarada sa palengke na may karatulang “Ako ay magnanakaw, huwag ninyo akong pamarisan”. Kamakailan, tatlong drug pusher umano ang nadakip at ipinarada sila ng alkalde sa palengke na may nakasabit ng karatulang “Ako ay drug pusher, huwag ninyo akong pamarisan”.
“Bayaan na iyang human rights”, wika ni Pangulong Digong nang ianunsiyo niya ang shoot to kill order. Kailangan aniya ay proteksiyunan ang taumbayan laban sa kriminal na siya ring katwiran ng alkalde ng Tanauan para sa kanyang shame campaign.
Ang tao ay isinilang taglay na niya ang karapatang pantao. Ito ay manipis na linyang naghihiwalay sa kanya sa hayop. Ito rin ang manipis na linya sa pagitan ng sibilisadong lipunan at kagubatan. Burahin mo ang linyang ito na siyang nais mangyari ni Pangulong Digong, ang mangibabaw ay katwiran ng lakas at hindi lakas ng katwiran. Kung sino ang malakas, tulad ng tigre at lion sa kagubatan, ay siyang maghahari. Maganda ang layunin ni Pangulong Digong at mga alkalde ng Cebu at Tanauan sa nais nilang gawin at ginagawa: proteksiyunan ang mamamayan laban sa kriminal. Pero sino naman ang magbibigay ng proteksiyon sa mamamayan laban sa kanilang protektor? Paano kung sila at ang kanilang inuutusan ay magmalabis?
Marami pang opisyal na susunod sa ginagawa ng dalawang alkalde kung hindi babawiin ni Pangulong Digong ang kanyang shoot to kill order. Hindi naman kailangan ito dahil ang mga batas natin ay nagbibigay ng kapangyarihan sa mga alagad ng batas na gumagamit ng dahas kapag lumalaban ang kanilang hinuhuli. Puwede nilang i-paralyze ito kapag ilalagay nito sa panganib ang kanilang buhay. Mahirap sabihin na ang nanagasa ng karapatang pantao ngayon ay hindi magiging biktima pagdating ng araw ng tulad ng kanilang ginawa.