NAKALULUNGKOT na nabahiran ng pagkuwestiyon ang hindi opisyal na mabilisang pagbilang sa mga boto para sa mga kandidato sa pagka-bise presidente sa nakalipas na halalan hanggang umabot pa sa punto na kinasuhan na ng pananabotahe sa eleksiyon ang Commission on Elections at ang ilang opisyal ng Smartmatic at Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV).
Dahil sa mabilisang pagbilang, agad na nalaman ng publiko kung sino ang naihalal na presidente—si Davao City Mayor Rodrigo Duterte—ilang oras makaraang maihulog sa ballot box ang huling balota. Isa itong malaking ginhawa mula sa naranasan natin sa nakalipas na mga halalan, na inaabot ng ilang araw, linggo, o minsan ay buwan, bago malaman kung sino ang nanalong pangulo.
Ang naging problema ngayon, sa kalagitnaan ng mabilisang pagboto—ang pagpapadala ng mga nabilang na boto sa Transparency Server, na pinanggagalingan ng resultang isinasapubliko ng PPCRV—isang opisyal ng Smartmatic ang nagbukas ng system upang iwasto ang “?” at gawing “ñ” sa mga pangalan ng dalawang kandidato. Isa itong maliit at inosenteng pagbabago at—ayon sa kanilang depensa—walang naging epekto sa mga binibilang na boto. Gayunman, agad na napansin ng kampo ni Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na pagkatapos nito ay biglang dumami ang boto ng dikit sa kanya ang laban na si Rep. Leni Robredo hanggang sa tuluyan na nitong mahigitan ang mga boto kay Marcos. Dahil dito, nanawagan ang kampo ni Marcos para sa manu-manong muling pagbilang sa mga boto para sa bise presidente.
Ipinatigil na ng PPCRV ang unofficial quick count nito upang bigyang-daan ang opisyal na bilangan sa mga boto para sa presidente at bise presidente na gagawin ng Kongreso, alinsunod sa Konstitusyon. Tinanggap na ng Senado ang official returns sa nakalipas na mga araw. Inaasahang magsasanib-puwersa ang Senado at ang Kamara de Representantes bukas, Martes, Mayo 24, upang isagawa ang kanilang tungkulin sa batas.
Ang opisyal na bilangang ito ng Kongreso ang mahalaga, hindi ang quick count na kinulapulan ng kontrobersiya, kung ang bilangan sa mga boto para sa bise presidente ang pag-uusapan. Ang opisyal na bilangang ito ang dapat na tutukan ng mga kinauukulan, at tiyak nang masusi itong susubaybayan ng kampo ni Marcos upang matiyak na hindi susulpot sa opisyal na canvassing ng Kongreso ang iregularidad na natukoy nila sa quick count.
Ang anumang imbestigasyon sa Comelec-Smartmatic-Transparency Server-PPCRV quick count ay walang magiging epekto sa opisyal na canvassing ng Kongreso. Ngunit maaari nitong mailantad at maparusahan ang paglabag ng isang empleyado ng Smartmatic, at posible ring ng isang opisyal ng Comelec. Ang pagbubukas nila sa system upang iwasto ang isang napakaliit na pagkakamali sa baybay ay isang paglabag sa umiiral na protocol, na may katapat na parusa. Kung mapatutunayang ang hindi awtorisadong pagwawasto ay nagresulta sa pagbabago ng bilang ng balota, isa itong seryosong paglabag na mangangailangan ng mas determinadong aksiyon.
Nais din ng isang grupo ng mga eskperto sa information technology na magsagawa ng tinatawag nilang “forensic investigation” upang busisiin ang mga bilang na iniulat sa automated election system. Umapela sila para sa statistical analysis sa mga bilang, partikular sa natuklasan na mayroong “constant rate of increase” sa mga boto para sa bise presidente. Mahalaga ito, anila, upang maalis ang anumang maling espekulasyon ng publiko sa canvassing at nang mapagtibay ang kredibilidad ng automated elections.