ANG pinakahihintay ni Rayver Cruz na launching ng kanyang What You Want ay natupad na noong Biyernes sa Urbn Bar sa Timog, Quezon City na sinuportahan ng kanyang magulang, kapatid at mga kaibigan sa loob at labas ng showbiz.
Masayang-masaya si Rayver dahil ang tagal niyang pinangarap na magkaroon ng sariling album at isa sa napili niyang awitin na kasama sa nilalaman ng album ay ang Hataw Na ni Gary Valenciano na siya mismo ang nagpaalam kay Mr. Pure Energy.Kuwento ni Rayver, sa dressing room sa ASAP siya nagpaalam kay Gary V kung puwede niyang i-remake ang kanta.
Tinanong siya ni Mr. Pure Energy kung anong kanta at sinabi nga ni Rayver na Hataw Na at agad namang pumayag si Gary V.
Iilan lang kasi ang nakaaalam na marunong kumanta si Rayver na mas nakilala bilang aktor at dancer.
“It’s just that mas na-expose ako sa pagsasayaw, simula nang makarinig ako ng beats ng music, alam ko, dancer ako talaga,” kuwento ni Rayver.
“Pero alam ko naman na nakakakanta ako, kasi dati, nu’ng bata ako, ‘pag may mga 747 shows, minsan, ilalabas kami, kaya alam ko na deep inside, kaya ko. Mas nauna lang ang pagsasayaw.”
Bilib ang mga kaibigan ni Rayver na sina Gerald Anderson at Sam Milby sa kanya kaya ang mga ito ang nakaisip na ipag-produce siya ng album. Kaya co-producers sina Sam, Rayver at Gerald ng Cornerstone Music at Academy of Rock Music School and Studios sa What You Want Album.
Biro ni Gerald, change career na siya ngayon, ang first time niyang pagpo-produce. Si Sam naman ay ilang beses nang nakapag-produce kaya hindi na siya bago sa larangang ito.
“Masaya ako na siya (Rayver) ‘yung first (na ipinag-produce niya ng album), dahil mukha namang good investment, well, nakita n’yo naman, napakagaling niya talaga,” pahayag ni Gerald.
Ayon naman kay Sam, “Sobang happy ako para kay Ray sa kanyang album launch.”
Kuwento ni Gerald, noon pa nila alam na kumakanta si Rayver kapag may out of the country shows sila.
“Magkakasama kami sa tour dati at ang alam n’yo lang kay Rayver, magaling sumayaw. Kami alam namin na napakagaling din niyang kumanta at ‘yun ang gusto naming i-share sa Pilipinas.”
Samantala, naglalaman ng 8 kanta ang What You Want album ni Rayver tulad ng carrier song na Bitaw, Let it Loose na collaboration with Kyla, Hataw Na at remake ng Kasayaw ni Archie D.
May dalawang awiting ini-record si Rayver sa Singapore via the Academy of Rock Music School and Studios, ang Only Coz I Care and Dance the Night Away. --Reggee Bonoan