Apat na katao ang patay, kabilang ang isang Amerikano, makaraang mawalan ng malay sa kainitan ng concert sa isang malaking mall sa Pasay City, kahapon ng madaling araw.

Binawian ng buhay sa magkakahiwalay na pagamutan ang apat na biktima na hindi binanggit ang mga pangalan.

Sa inisyal na ulat ni SPO1 Joel Landicho, ng Pasay City Police, dakong 3:00 ng hapon nitong Sabado nagsimula ang Close-up Forever Summer 2016 concert sa open grounds ng SM Mall of Asia. Natapos ang concert dakong 3:00 ng umaga kahapon.

Bago pa man matapos ang nasabing konsiyerto, bigla umanong nawalan ng malay ang mga biktima na agad namang naisugod sa ospital subalit binawian din ng buhay.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sinasabing hindi magkakakilala o magkaanak ang mga biktima na natagpuang walang malay sa magkakahiwalay sa concert venue.

Dumating naman ang ilang tauhan ng Southern Police District upang tumulong sa isinasagawang imbestigasyon ng Pasay City Police.

Inaalam din ng pulisya kung nasa impluwensiya ng ilegal na droga ang mga biktima kaya nag-blackout ang mga ito sa kalagitnaan ng concert. - Bella Gamotea