CANDABA, Pampanga – Naparalisa ang transportasyon sa pagitan ng Pampanga at Bulacan simula nitong Biyernes matapos na gumuho ang isang bahagi ng tulay na nag-uugnay sa mga bayan ng Candaba at Baliwag.
Bumigay nitong Biyernes ang Bomba Bridge sa may Candaba-Baliwag Road kasunod ng ilang araw na malakas na ulan na dulot ng low pressure area (LPA).
Sinabi ni Councilor-elect Nelson Alonzo na gumuho ang isang bahagi ng tulay habang dumadaan ang isang six-wheeler truck na may kargang tone-tonelada ng aning palay. Nasugatan sa insidente ang helper na sakay sa truck.
Ayon kay Alonzo, ang truck “forced down the bridge's approach, causing it to fall into the hole nearly six to eight feet deep.”
Binanggit din ang problema sa retaining wall bilang isa sa mga sanhi ng insidente, sinabi ni Alonzo na mahalaga ang Bomba Bridge dahil pinag-uugnay nito ang 11 barangay sa Poblacion Region at ang 15 barangay ng Tagalog Region.
Dahil dito, pinayuhan niya ang lahat ng motorista mula sa Nueva Ecija at Pampanga na patungo sa Candaba-Sta.
Ana-Baliwag-Bulacan exit na gumamit ng alternatibong ruta upang hindi maabala sa biyahe. Ang mga patungo naman sa palengke at munisipyo ay mas mainam na dumaan sa San Luis-Candaba road, ayon kay Alonzo.
Dagdag niya, daan-daang motorista ang na-stranded simula nitong Biyernes dahil sa bumigay na tulay.
Mahigit 500 magsasaka naman ang naapektuhan ng pagguho ng tulay, ayon kay Alonzo. “’Yung mga farmers na ito, instead na didiretso na lang sa kanilang destination using an easier route ay kailangan pang umikot from Candaba to Sta. Ana kung pupunta lang ng Baliwag,” aniya.
Sinabi pa ni Alonzo na tiyak nang maaapektuhan sa insidente ang mga negosyo sa 25 sa 33 barangay ng Candaba.
Sinisisi naman ng ilang residente ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagguho ng tulay, iginiit na bigo ang kagawaran na magsagawa ng regular na pag-iinspeksiyon at pagmamantine sa Bomba Bridge. (Franco G. Regala)