Tinukoy ni Philippine basketball team Gilas Cadet na ang Thailand – huling koponan na makakaharap ng Pinoy sa elimination – ang may pinakamatikas na line-up at posibleng makaharap sa championship sa SEABA Stankovic Cup na magsisimula ngayon sa Bangkok, Thailand.

“Yung muntik ng tumalo sa amin nung nakaraang SEAGames,” pahayag ni Racela nang tanungin kung sino sa tingin nya ang pinakamabigat nilang katunggali sa nakatakda nilang title defense ng SEABA.

Naiwan si Racela ng Cadet Team na tumulak na kahapon patungong Bangkok dahil kailangan pa niyang gabayan ang Far Eastern University sa laro nito kontra University of Perpetual Help nitong Biyernes ng hapon sa Fil Oil Flying V Preseason Premier Cup.

Kasama niyang sumunod patungong Thailand si Kevin Ferrer na dumalo muna sa kanyang graduation sa University of Santo Tomas.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

“I learned they really prepared for this tournament, they have a new coach and they trained in US,” ayon kay Racela.

Gayunman, ang pamilyaridad sa istilo ng mga manlalaro ng Thailand ang isa sa maituturing nilang sandata para magapi ang karibal.

“They have practically the same line-up so medyo alam na namin ang galaw nila,” aniya.

Samantala, optimistiko si Racela sa kanilang tyansang kahit 15 araw lamang silang nag-ensayo at eksaktong 12 lamang ang kanyang player.

“Yung puso nila andun, even for a short notice they showed their willingness to play for our country,” pahayag ni Racela.

Kasama ni Ferrer sa Gilas Cadet sina Mac Belo, Mike Tolomia, Roger Pogoy, Ken Holmqvist, Russel Escoto, Raymar Jose, Von Pessumal, Jiovanni Jalalon, mga PBA cagers na sina Troy Rosario at Almond Vosotros, at Chiang Ksi Shek standout Jonas Tibayan. (Marivic Awitan)