Mayo 22, 1967 nang mamatay ang 322 katao matapos sumiklab ang apoy sa L’Innovation department store sa Brussels, Belgium. Karamihan sa nasawi ay dahil sa paglanghap ng makapal na usok.
Noong oras na iyon, inilunsad ng nasabing pamilihan ang isang exhibit para sa American fashion, at nakakalat sa buong paligid ang mga bandila ng Amerika.
Nang magsimula ang apoy sa furniture department sa ikaapat na palapag, aabot sa 2,500 katao ang nasa loob ng pamilihan. Ngunit dahil walang sprinkler o fire alarms na magpapaalam sa mga tao sakaling may sunog, mabilis na kumalat ang apoy dahil sa kakulangan sa fire extinguisher.
Nang malaman na ng mamimili ang nangyayari sa paligid, marami sa kanila ang nasugatan dahil sa stampede.
Aabot sa tatlong katao ang namatay sa pagtalon mula sa mataas na palapag ng gusali, ngunit mas marami ang nagtungo sa pinakatuktok ng gusali upang makaligtas mula sa apoy.