Suportado ni Senator Sonny Angara ang panukalang malawakang reporma sa buwis sa pagpasok ng bagong gobyerno, sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Angara, ngayong bago na ang administrasyon ay mas paiigtingin niya ang pagsusulong sa panukala niyang baguhin ang sistema ng pagbubuwis sa pagsisimula ng 17th Congress.
Pebrero 2014 nang ipinanukala ni Angara ang Senate Bill 2149 para maibaba ang bayarin sa buwis at tapyasin hanggang sa 25 porsiyento ang kasalukuyang 32% tax rate. Layunin din ng panukala ni Angara na mula sa pitong tax bracket ay gawing limang bracket na lamang ito.
Kasunod nito, iminungkahi ni Angara noong Nobyembre 2015 ang mas komprehensibong reporma sa buwis na ibabatay sa inflation rate.
Matatandaang hindi pinaboran ng gobyernong Aquino ang panukalang ito ni Angara, idinahilang posible umanong malugi ng P30 bilyon ang pamahalaan kahit pa nagdeklara naman ang gobyerno na may daan-daang bilyong pisong underspending ito. (Leonel Abasola)