NOONG 2010, isang alkalde ang nahalal na bice presidente sa bansa. Siya ay si VP Jojo Binay. Ngayong 2016, isang alkalde ang nahalal na presidente. Siya ay si Davao City Mayor Rodrigo Roa Duterte (RRD). Si Binay ay tumanda sa kahihintay na maging pangulo, pero nanatiling malusog at buhay si PNoy sa loob ng anim na taon. ‘Di ba’t ang VP ay sinasabing “spare tire” o pamalit sakaling magkasakit at maimbalido o mamatay ang pangulo?
Iba ang naging sitwasyon ni President Rody sapagkat siya ay magiging pangulo ng Pilipinas na tinalo ang mga kalaban na may mga pambansang katayuan, tulad nina Sen. Grace Poe, ex-DILG Sec. Mar Roxas, VP Binay at Sen. Miriam Defensor-Santiago. Talagang isang phenomenon ang tagumpay ni RRD sapagkat sa kabila ng kanyang mga kapintasan, pagmumura, pag-aming killer, masasakit na biro, pambababae, siya pa rin ang binoto ng mga Pinoy kaysa mga karibal sa pulitika na itinuturing ang mga sarili na disente. Anyway, nangako naman si Duterte na ngayong siya ang magiging pangulo, siya ay magiging “prim and proper” na.
Handa si presumptive President Rody na bigyan ng apat na posisyon ang kilusang komunista (Communist Party of the Philippines) sa kanyang Gabinete. Ito ay ang Department of Environment and Natural Resources, Department of Agrarian Reform, Department of Labor, at Department of Social Welfare and Administration.
Inanyayahan din niya si Jose Ma. Sison, founder ng CPP, na umuwi sa bansa at inalok na maging miyembro ng kanyang Gabinete. Si RRD ay naging estudyante ni Joma sa Lyceum of the Philippines.
Determinado ang machong alkalde na ipatupad ang parusang kamatayan sa ‘Pinas upang makatulong sa pagsugpo ng krimen sa bansa. Gagawin niyang kakila-kilabot ang pagpapataw ng death sentence sa pamamagitan ng pagbigti sa public places upang masaksihan ng taumbayan. Aatasan din umano niya ang military snipers na barilin ang mga suspected criminal bilang bahagi ng kanyang “ruthless law-and-order crackdown.”
Sa presscon sa Davao City, inihayag ni RRD na uutusan niya ang security forces na magsagawa ng “shoot-to-kill order” upang makaramdan ng takot ang mga bulok na elemento ng lipunan. Pagkatapos daw ng kanyang inagurasyon sa Hunyo 30, ilulunsad niya agad ang paglipol sa mga drug pusher, rapist, at smuggler. Ipagbabawal din niya ang pagbebenta ng alak sa pampublikong lugar at magtatakda ng curfew sa mga menor de edad. Gayunman, puwedeng uminom ng alak sa loob ng bahay. Exempted din sa liquor ban ang mga hotel at tourist areas. Sana ay maipatupad niyang lahat ito nang hindi lalabag sa batas at karapatang-pantao ng mga mamamayan! (Bert de Guzman)