Nasa 29 na kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P145 milyon ang nakumpiska ng Philippine National Police-Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group (PNP-AIDSOTG) at Cavite Police Provincial Office (CPPO) mula sa isang suspek sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Carsadang Bago II sa Imus, Cavite, sinabi ng pulisya kahapon.
Kinilala ni Senior Supt. Eliseo Cruz, hepe ng CPPO, ang nadakip na si Ardel Ajido, 33, ng Panapaan Subdivision, Bgy. Panapaan V sa Bacoor.
Ayon kay Cruz, isang buwan ding minanmanan ng pulisya ang suspek bago ito nahulog sa bitag.
Batay sa imbestigasyon, isang kilo ng shabu lang ang pinag-usapan sa transaksiyon ni Ajido sa poseur buyer subalit laking gulat ng pulisya nang makumpiska mula sa suspek ang karagdagang 28 kilo ng shabu.
Mayo 17 lamang nang isagawa ang isa pang anti-drugs operation sa Bacoor at apat na katao ang naaresto, habang umaabot naman sa 10.4 kilo ng shabu, na nagkakahalaga ng P10 milyon, ang nasamsam mula sa mga suspek.
(FER TABOY at ANTHONY GIRON)