Biyombo at James

TORONTO (AP) — Natigil ang harurot sa playoff ng Cleveland Cavaliers nang pigilan ng Toronto Raptors, 99-84, nitong Sabado (Linggo sa Manila) sa Air Canada Center at tapyasin ang kanilang bentahe sa Eastern Conference best-of-seven finals sa 1-2.

Pumutok ang opensa ni DeMar DeRozan sa naisalansan na 32 puntos at mistulang moog ang depensa ng Raptors, sa pangunguna ni Bismack Biyombo na nagtala ng franchise playoff record na 26 rebound, para ipatikim sa Cavaliers ang unang kabiguan matapos ang 10 sunod na panalo sa postseason.

Nag-ambag si All-Star Kyle Lowry ng 20 puntos, habang kumana si back-up guard Cory Joseph ng 14 na puntos at kumubra ng tig-10 puntos sina Patrick Patterson at DeMarre Carroll.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“It’s a long series,” pahayag ni Raptors coach Dwane Casey.

“It’s not over with yet, but everybody thought we were going to get swept. That fuels us and if that’s what it takes, so be it.”

Nanguna sa Cavs si LeBron James na may 24 na puntos, habang kumana si J.R. Smith ng 22 puntos, ngunit nalimitahan ang dalawang All-Star na sina Kyrie Irving sa 13 puntos at Kevin Love na may pitong puntos.

“We didn’t play our game and they made us pay for it,” depensa ni James.

“We didn’t start the game as physical as we should have at the point of attack.”

Kumuha rin si Biyombo, international player mula sa Republic of Congo, ng apat na block para malimitahan ang Cavaliers sa 20 puntos sa loob. Kumolekta ang Cavs ng kabuuang 106 na puntos sa inside game sa unang dalawang laro.

Pumuntos si Biyombo nang anim na sunod para palawigin ang bentahe ng Raptors sa 91-77, may 3:38 ang nalalabi sa final period.

“It was amazing, honestly,” pahayag ni DeRozan patungkol sa all-around game ni Biyombo.

“He was big time tonight. Without him, we probably would’t get this win,” aniya.

“They came out and they beat us,” sambit ni Cleveland coach Tyronn Lue.

“They were more aggressive. They were more physical. They were more active. They were faster. They beat us to the ball.”

Gaganapin ang Game 4 sa Toronto, sa Lunes (Martes sa Manila).