CAGAYAN DE ORO CITY – Isang malaking sunog, na pinaniniwalaang nagsimula sa isang kandila na pinaglaruan ng mga paslit habang brownout, ang tumupok sa 115 bahay sa Sitio San Isidro Labrador, Barangay Lapasan, sa siyudad na ito, nitong Biyernes ng gabi.
Sinabi ni Chief Insp. Rommel Villafuerte, Cagayan de Oro district fire marshal, na itinawag sa kanila ang sunog sa Bgy. Lapasan dakong 9:00 ng gabi nitong Biyernes kaya sumugod ang kanyang mga tauhan, lulan ng mga fire truck na Rosenbauer at Super Tanker, sa naturang lugar.
“Sumugod ang aking mga tauhan sa lugar at napag-alaman na nagsimula ang sunog sa bahay ng isang Lisa Camomot na mabilis na kumalat sa mga katabing bahay,” ayon kay Villafuerte.
Unang itinaas ang sunog sa second alarm dakong 10:00 ng gabi, hanggang sa umabot ito sa fourth alarm o Task Force Bravo.
Base sa pagtaya ng Bureau of Fire Protection (BFP), umabot sa P5 milyon ang halaga ng mga nasunog na ari-arian.
Ayon kay Villafuerte, may mga residenteng nakakita sa mga paslit sa bahay ni Camomot habang naglalaro ng kandila sa kasagsagan ng brownout bago ang sunog.
Pansamantalang naninirahan ang mga apektadong residente sa Lapasan Covered Court, at doon sila binibigyan ng ayuda ng lokal na tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ilang pribadong grupo, at mga volunteer. (Camcer Ordoñez Imam)