Matapang, astig, maanghang magsalita at walang preno ang bibig—ilan lang ito sa mga paglalarawan kay presumptive President Rodrigo “Rody” Duterte. Ito rin ang mga katangiang nakita sa kanya ng mga Pilipinong uhaw sa pagbabago, kaya ganoon na lamang ang paghanga at pagsuportang natatanggap ng susunod na pangulo ng bansa mula sa mamamayan.
Ngunit hindi sa halalan o sa kanyang inaasahang pamumuno sa susunod na anim na taon nagtatapos ang pag-idolo at pagsuporta kay Duterte. Katunayan, ito ang nag-udyok at nagbigay ng inspirasion kina Anjo at Donat Pascual, game developer at artist na nasa likod ng Tatay, para lumikha ng mobile game app na ibinatay sa mga kilos at gawi ni Duterte.
Inilunsad kamakailan ng Tatay ang larong Duterte Crime Fighting, na mismong ang karakter ng Davao City mayor ang pumapatay sa mga kriminal gamit ang iba’t ibang armas. Kailangang makakolekta ang player ng badges upang makatuntong sa mas mataas at mas mahirap na level ng laro.
Maririnig din sa laro ang mga tanyag at nakakaaliw na linya ni Duterte, at kinagigiliwan din ang wrecking-ball-inspired appearance ni Dionisia Pacquiao, mas kilala bilang Mommy D, na sumusulpot kapag natapos ang level.
Sa kabila ng mataas na rating sa mobile game na ito, sinabi ng mga developer na patuloy pa nila itong pagagandahin upang matugunan ang hinaing ng mga manlalaro, katulad ng maiksing buhay ng karakter ni Duterte. Asahan din umano ang pagdating ng Boss Fight, na kakailanganing harapin at talunin ng player ang karakter ni Senator Antonio Trillanes IV.
Umabot na sa mahigit 100,000 ang downloads ng Duterte Crime Fighting, na may 18+ Rating, at mada-download nang libre sa Google Play at Apple App Store. (Michaela Andrea M. Tangan)