MGA Kapanalig, sa tuwing may eleksiyon daw sa Pilipinas, may nananalo, pero walang natatalo.

Nadadaya lang daw. Totoo po ba ito?

Naitala ng halalan noong Mayo 9 ang pinakamalaking bilang ng mga botante (o voter turnout) at ang pinakamabilis na bilangan ng boto, mula nang maging automated ang pagpili natin ng mga lider ng bayan. Sa loob ng dalawang oras mula nang magsara ang mga presinto, mahigit kalahati na ng vote counting machines o VCMs ang nakapagpadala na ng resulta sa mga servers ng Comelec at ng mga katuwang nitong organisasyon gaya ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV). Malayo ito sa 17 porsiyento ng mga PCOS machines na nakapag-transmit noong halalan ng 2010 sa kaparehong haba ng panahon. Bandang 9:00 ng gabi, mahigit 80 porsiyento na ng mga boto ang nai-transmit at nabilang nang “real time.”

At dapat lang namang mangyari ang mga ito. Ang mabilis na pagbilang ng boto ang pangunahing layunin ng automated elections, ibang-iba na sa dating manu-manong pagbibilang na karaniwang inaabot ng mahigit isang buwan bago malaman ng sambayanan kung ano ang kinahinatnan ng kanilang piniling mga kandidato.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ngunit ang mas mahalagang layunin ng automated elections ay ang gawing makatotohanan o “credible” ang resulta ng halalan. Inaasahang sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya, maiiwasan na ang pagmamanipula at pandaraya gaya ng dagdag-bawas. Oo, nariyan pa rin ang lantarang bilihan ng boto, pero sa huli, ang mananaig ay ang opisyal na bilang na dapat naiiwas sa anumang “human intervention.” Sa aspetong ito, mukhang may ilan pa ring duda sa pagiging epektibo ng automated election, lalo na sa panig ng mga natalong kandidato.

Nasaksihan natin ito sa patuloy na bilangan ng boto para sa pagka-bise presidente. Sa kabila ng paliwanag ng mga eksperto ng Comelec at ang magkakatugmang bilang sa transparency servers, nagpatuloy ang mga paratang na nagkaroon ng manipulasyon sa sistema. Tiniyak ni Comelec Chairperson Andres Bautista na walang pandarayang naganap sa halalan.

Ang ginawang pagbabago sa tinatawag na hash code ay para lamang ayusin ang titik “ñ”, at hindi nito naapektuhan ang bilang ng mga boto. Sa mga nag-aakusa ng “electronic dagdag-bawas”, hiniling ng Comelec na maglabas ang mga ito ng matibay na ebidensiya upang mabigyan ng kaukulang aksiyon.

Kung may positibo mang idinulot ang pagkuwestiyon sa integridad ng ating halalan, ito ay ang katiyakang maraming mata ang nakatutok. Ngunit, kailangan ding suriin ang kalidad ng impormasyong natatanggap natin mula sa mass media at social media. Ano nga ba ang totoo?

Ang katotohanan ay isa sa mga pinahahalagahan ng Simbahan. Bawat isa sa atin ay may tungkuling kumilos nang sang-ayon sa katotohanan. Pananagutan nating igalang ang totoo at maging responsableng saksi rito. Sa madaling salita, hindi lamang tayo naghahanap ng katotohanan. Kailangan din nating palaganapin ang totoo, ang tama.

Sumainyo ang katotohanan. (Fr. Anton Pascual)