IPINAGDIRIWANG natin ngayon ang Kabanalan ng Santisima Trinidad.
Ang selebrasyon ay sinimulan ni Pope Gregory IX noong 828 CE at kumalat sa mga simbahan sa kanluran noong ika-14 na siglo. Idinadaos ito tuwing unang Linggo matapos ang Pentecost upang bigyang-pugay ang ating walang hanggang Diyos—ang Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo.
Ang salitang “trinidad” bagamat hindi nabanggit sa Bibliya, ay nakasaad sa Matthew 28:18-20, nang sinabi ng Kristong nabuhay na muli sa kanyang mga disipulo na humayo at ituro ang mga aral ng Diyos sa lahat ng bansa at binyagan ang sangkatauhan sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo. Sa liham sa mga taga-Corintho, sa 2 Corinthians 13:14, sinabi ni San Pablo sa kanila: “Ang biyaya ng Panginoong Hesukristo at pag-ibig ng Diyos at gabay ng Espiritu Santo ay sumainyong lahat”. Ang konsepto ng Trinidad ay hindi kailanman tuwirang mauunawaan o mabibigyang katwiran, ngunit malinaw itong tinukoy sa Bibliya. Ang pag-unawa sa lahat ng doktrinang espirituwal ay batay sa pananampalataya sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ang misteryong ito ay ipinagdiriwang tuwing unang Linggo pagkatapos ng Pentecost, nang mangyari ang unang pagbubuhos ng Espiritu Santo.
Sa Linggo ng Trinidad, buong kasiyahang nagpapasalamat ang Simbahang Kristiyano sa mga naisaktuparan ng Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo upang mailigtas sa kasalanan ang sangkatauhan. Ipinaaalala nito kung paano dapat tumugon ang mga Kristiyano sa ipinakita sa ating pag-ibig ng Diyos, pinupuri Siya at niluluwalhati Siya. Inaalala natin ang Diyos Ama bilang ating Manlilikha, ang Anak bilang Tagapagligtas, at ang Espiritu Santo bilang Tagapagbigay ng Ginhawa. Kabilang sa pagbasa ng Bibliya para sa Linggong ito ng seremonya ng Santisima Trinidad ang Psalm 8, na nagsisimula at nagtatapos sa “O, Panginoong aming Diyos, dakila ang iyong pangalan sa buong mundo.”
Sa Linggo ng Santisima Trinidad, masusumpungan natin sa Bibliya ang ganap na pag-unawa sa ating Diyos. Ang Ama ay ang Diyos mula sa simula (John 1:1); sinabi naman ni Hesus na Siya at ang Ama ay iisa sa John 10:30, “Ako at ang Ama ay iisa.” Magkasama nilang ipinadala ang Espiritu Santo (John 14:26). “Sapagka’t may tatlong nagpapatotoo, ang Espiritu, ang Tubig, at ang Dugo: at ang tatlo ay nagkakaisa.” (1 John 5:7-11).
Ang “Santisima Trinidad ang sentrong misteryo ng pananampalatayang Kristiyano at ng buhay Kristiyano” (CCC 261). Ang Trinidad ang totoo sa lahat ng katotohanan. Ang misteryong ito ay higit pa sa kayang unawain ng tao, ngunit mapagtatanto natin ang katotohanang ito sa pamamagitan ng pananampalataya.