Mistulang may anting-anting ang isang foreman matapos siyang mahulog mula sa ikalimang palapag ng isang kinukumpuning gusali at manatiling buhay sa Pasay City, nitong Biyernes.
Batay sa ulat na nakarating sa Pasay City Police, kinilala ang biktimang si Leo Locsin, 46, foreman ng Barroso Construction company, at stay-in sa Filinvest Cyberzone Plaza sa Macapagal Boulevard, Pasay.
Lumitaw sa imbestigasyon na kinukumpuni ni Locsin ang isang scaffolding habang nakatayo sa isang gondola na nakabitin sa tagiliran ng ikalimang palapag ng naturang gusali nang nabagsakan siya ng isang balde na puno ng semento dakong 10:00 ng umaga nitong Biyernes.
Dahil dito, inalis ni Lacson ang kanyang harness upang lumipat sa ibang bahagi ng gusali nang bigla siyang nahulog sa ground floor matapos bumigay ang tali ng gondola.
Isinugod si Lacson ng mga katrabahong sina Edgar Cabuelo at Mario Peralta, kasama ang nurse ng kumpanya na si Mike Iglesias, sa San Juan De Dios Hospital dahil sa tinamong sugat sa ulo at bali sa buto sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Bunsod ng insidente, lumiham ang pulisya sa Pasay City Engineer’s Office upang magsagawa ng inspeksiyon sa construction site at matiyak ang kaligtasan ng mga obrero. (Martin A. Sadongdong)