MAAARING ito na ang pinakamahalagang pamana ng papatapos na administrasyong Aquino—pagtaas sa Gross Domestic Product (GDP) na pumalo sa 6.9 na porsiyento sa unang tatlong buwan ng 2016. Mas mataas pa ito sa 6.7 porsiyento ng China, 5.5 porsiyento ng Vietnam, 4.9 na porsiyento ng Indonesia, at 4.2 porsiyento ng Malaysia. Kaya naman ang Pilipinas ang pinakamabilis ang inilago ng ekonomiya sa Asia sa unang tatlong buwan ng taon.

Ang pagsulong ay epekto ng pagtatagumpay sa industriya, 8.7 porsiyento, at 7.9 na porsiyento sa mga serbisyo—na walang dudang umalagwa dahil sa pangangampanya para sa eleksiyon. Ang pagsigla ng ekonomiya sa nakalipas na mga panahon ay pinangunahan ng sektor ng serbisyo—turismo, business process outsourcing, pagbabangko, at maraming iba pa—ngunit sa pagkakataong ito, ang industriya ang pangunahing nag-ambag sa pagsipa ng ekonomiya, partikular ang manufacturing, konstruksiyon, at utilities. Bumawi ang dalawang sektor na ito para sa 4.4 na porsiyentong pananamlay sa sektor ng agrikultura, na bunsod ng tagtuyot na dulot ng El Niño.

At ngayong nakapagtala ng pagsulong sa unang tatlong buwan ng taon, inihayag ng National Economic and Development Authority (NEDA) na nasa landas na ang pambansang ekonomiya upang matamo ang growth target nito na 6.8 porsiyento hanggang 7.8 porsiyento para sa buong 2016. Ipinapasa na ngayon ng administrasyong Aquino sa gobyernong Duterte ang bola.

Sinabi ni NEDA Director-General Emmanuel F. Esguerra na napag-iwanan na ang Pilipinas ng mga kalapit-bansa nito sa Asia sa unang bugso ng dayuhang pamumuhunan noong 1980s dahil sa kawalang katatagan ng pulitika. Maaalala natin ito bilang ang panahon ng EDSA People Power Revolution na sinundan ng pagbabalik ng institusyon ng demokrasya. Hindi dapat na makawala sa Pilipinas ang kasalukuyang ikalawang bugso ng dayuhang pamumuhunan, ayon kay Esguerra. Dapat nitong patunayan na sapat na ang katatagan ng mga institusyon nito upang makaagapay sa mga pagbabagong pulitikal.

Sumasailalim tayo ngayon sa malaking transisyong pulitikal sa pagkakahalal ng bagong pangulo na malinaw na ibang direksiyon ang tatahakin. May mga pangamba tungkol sa paraang kanyang gagamitin upang maisakatuparan ang layunin niyang sugpuin ang kriminalidad at ang problema sa ilegal na droga sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.

Nababahala ang mga grupong relihiyoso at kaalyado tungkol sa plano niyang ibalik ang parusang kamatayan. Ilang konserbatibo ang napapaisip din sa imbitasyon ni President-elect Duterte sa Communist Party of the Philippines upang maging kasapi ng kanyang Gabinete.

Tunay na nasa kalagitnaan tayo ng malaking pagbabago at napakaraming katanungan, ngunit nananatili ang diwa ng pag-asa at pagkakaisa sa pamumuno ng bagong administrasyong Duterte sa gobyerno. At may positibong bentahe ito sa 6.9 na porsiyentong pagtaas ng GDP, isang dakilang pamana ng magtatapos na administrasyon.