BAGYO ang dating. Ito ang namuuong pananaw ng sambayanan sa pagkakahirang ni President-elect Rodrigo Duterte kay General Ronald dela Rosa bilang Director General ng Philippine National Police (PNP). Siya ang hahalili kay PNP Director General Ricardo Marquez na sinasabing maghahain ng courtesy resignation kasabay ng pagbaba ni Presidente Aquino sa tungkulin sa Hunyo 30, 2016.
Talagang dumadagundong, wika nga, ang pagkakatalaga kay De la Rosa bilang hepe ng 170,000 police forces. Bilang dating Police Chief ng Davao City at chief of staff ng PNP Intelligence Group, nakatuon ang kanyang misyon sa paglipol sa mga drug lord sa bansa. Kaugnay nito, may kilabot sa kanyang pahayag: “Our focus? Patayan sa drugs.
Patayan talaga ito sa drugs kaya kayong mga drug lord diyan, humanda kayo. Talagang sasagasaan ko kayo...” Ibig sabihin, wala siyang paliligtasin sa kampanya laban sa kriminalidad, lalo na sa mga ipinagbabawal na gamot.
Naiiba ang mga estratehiya ni De la Rosa sa maselang misyon na iniatang sa kanya ni Duterte. Hindi ito katulad ng paglipol ng droga na karaniwang ibinubunsod ng ibang grupo ng PNP criminal team. Unang pinagtutuunan nito ng pansin ang mismong mga sugapa sa droga, mga nagbebenta at ang mga gumagawa nito na malimit pinangungunahan ng mga dayuhan; nilulusob ang mga drug dens at shabu manufacturers.
Sa kampanya laban sa illegal drugs na isasagawa naman ni De la Rosa, tiniyak na sisimulan niya ito sa mismong PNP.
Alam niya kung sinu-sino sa mga opisyal at tauhan nito ang kanyang tutugisin: dapat alisin ang mga tiwaling alagad ng batas na kasabuwat ng drug syndicate; mga pulis na sumasahod na sa gobyerno ay pinasusuweldo pa ng mga drug lord.
Ipinahiwatig niya na kumpleto ang kanyang impormasyon sa mga tauhan ng PNP na sangkot sa drug cases na kanyang iningatan nang siya ay aktibo pa sa Intelligence Group.
Sa kabila ng ganitong matinding determinasyon ni De la Rosa na sugpuin ang illegal drugs, hindi maiiwasang itanong:
Malipol nga kaya niya ang kasumpa-sumpang problemang ito sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan? Mismong PNP ang nagpatunay na sa Metro Manila lamang, 93 porsiyento ang talamak sa droga. Bukod pa rito ang ibang lugar sa kapuluan na pinamumugaran din ng mga sindikato sa mga bawal na gamot. At, mabuo kaya niya ang kooperasyon ng PNP, lalo na ang sinasabing mga kaalyado ng mga natalong partido?
Asahan natin ang tagumpay ng makatuturang misyon ng bagong PNP Chief. (Celo Lagmay)