Nakapaloob sa batas ang mga benepisyo na dapat sanang nakukuha ng mga atletang Pinoy, gayundin ng mga national coach. Ngunit, sa kasamaang palad, hindi ito naipagkakaloob sa mahabang panahon.
Ang ganitong kalakaran ang nais bigyan tuldok ni 1-Pacman Party-list Congressman Mikee Romero sa kanyang gagawing interaksiyon sa mga atletang Pinoy at mga coach para maipaliwanag ang kanilang mga karapatan batay sa Republic Act. 10699.
“I just want to make sure that they are getting what are due to them because I heard that some of the benefits have yet to be implemented fully,” sambit ni Romero.
Pormal na kinumpirma bilang nagwaging Party-list ang 1-Pacman nitong Huwebes. Si Romero, may-ari ng GlobalPort sa PBA, ang first nominee ng 1-Pacman sa House of Representatives.
Iginiit ni Romero na napapanahon na para makamit ng mga pambansang atleta at coach ang mga benepisyong nakalaan sa kanila bilang pagkilala sa kanilang sakripisyo para mabigyan ng karangalan ang bansa.
“They put the country in the sporting map because of the sacrifices they made so it’s just natural that we treat them very well,” sambit ni Romero. “Our athletes are our national treasures.”
Ang R.A. 10699 ang batas na nagpapalawig sa pagbibigay ng benepisyo at cash incentives sa mga atleta at coach, kabilang na ang mga atletang sumasabak sa Special Olympics at Para Games.
Ayon kay Romero, nakukuha ng mga atleta ang nakalaang cash incentives na nakapaloob sa pagwawagi sa SEA Games, Asian Games at iba pang world championship meet, ngunit marami pang benepisyo tulad ng mababang housing loan, diskuwento sa pasahe at sa mga entertainment houses tulad ng sinehan ang hindi naibibigay sa kanila.
Batay sa RA 10699, prayoridad ng estado ang pagbibigay ng mababang housing loan o pabahay sa mga atleta, gayundin sa iba pang benepisyo na nasa kuwalipikasyon ng National Housing Authority (NHA) at Home Development Mutual Fund (HDMF).
Karapatan din ng mga atleta, higit ang mga nagretiro at nagtamo ng injury, ayon kay Romero na mabigyan ng karampatang livelihood program ng pamahalaan.
“For them to avail these benefits, they have to consult officials of the Philippine Sports Commission,” pahayag ni Romero.
“They have to know their benefits as national athletes and coaches.”