Inamin ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel III na interesado siya na maging pinuno ng Senado sa pagbukas ng 17th Congress sa Hulyo.
Si Pimentel ang pangulo ng PDP-Laban, ang partido ni presumptive president-elect Rodrigo Duterte na nakipag-alyansa na rin sa Nationalist Peoples Coalition (NPC) at Nacionalista Party (NP).
Nag-iisang kasapi ng PDP-Laban sa Senado, si Pimentel rin ang unang nagpahayag sa hangarin na makuha ang puwestong hawak ngayon Sen. Franklin Drilon, ng Liberal Party (LP).
“As president of the party, I will aspire to be Senate President so that the agenda of the party and the President can be shepherded through the Senate,” pahayag ni Pimentel.
Nais din niyang tuldukan ang tradisyon ng “term sharing” sa pamumuno sa Mataas na Kapulungan.
“Hindi po ako naniniwala sa term-sharing. Once we pick the Senate President, let him finish the three years or the six years,” ani Pimentel.
Sakaling palarin, uukit ng kasaysayan si Koko at ang ama nitong si dating Sen. Aquilino Pimentel Jr., bilang unang mag-ama na naging Senate President ng Pilipinas. (Leonel Abasola)