Mahigit 8,000 motorista na lumabag sa batas-trapiko ang nahuli ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa umiiral na “no-contact apprehension policy” ng ahensiya.
Sa huling tala ng MMDA, karamihan sa mga nahuli ay mga bus na nagbababa at nagsasakay ng pasahero sa hindi tamang lugar.
Umaasa naman si MMDA Chairman Emerson Carlos na tuluyang manunumbalik ang disiplina sa kalsada sa pagpapatuloy ng nasabing polisiya.
Abril 15 ngayong taon nang sinimulan ng MMDA na ipatupad ang no-contact apprehension policy, na sa pamamagitan ng mga ikinabit na daan-daang high-tech na closed circuit television (CCTV) camera ay natutukoy ang plaka ng sasakyan ng lumabag, at bineberipika ito sa Land Transportation Office.
Ang aktuwal na video footage at larawan ng paglabag ang magsisilbing basehan at ebidensiya kalakip ang traffic violation na ipadadala ng MMDA sa mga may-ari o operator ng nahuling sasakyan sa natukoy na address. (Bella Gamotea)