Sugatang isinugod sa ospital ang apat na pasahero at driver ng isang van na sumalpok sa center island ng EDSA-Roxas Boulevard flyover sa Pasay City kahapon.
Sa imbestigasyon ng Pasay City Traffic Department, dakong 12:10 ng madaling- araw binabagtas ng UV Express van na may rutang Quiapo-Sucat, ang southbound lane ng EDSA-Roxas Boulevard flyover nang biglang may tumawid isang lalaki.
Iniwasan ng driver na si Freddie Barsino, 37, ang lalaki ngunit nawalan siya ng kontrol sa manibela at sumalpok ang sasakyan sa kongkretong plant box.
Sinabi ng traffic enforcer na si Ambrosio Payumo Jr., imposible na may tumawid sa flyover lalo na’t alanganing oras na at naniniwala siyang “multo” ang nakita ng driver dahil marami na ang nadisgrasya at namatay sa lugar na sinasabing pinagmumultuhan.
Gayunman, nahaharap pa rin si Barsino sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Physical Injury and Damage to Government Property sa Pasay Prosecutor’s Office. (Bella Gamotea)