Naghain kahapon ng election protest sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) ang natalo sa pagkaalkalde na si Makati City Mayor Romulo “Kid” Peña.
Pasado 1:00 ng hapon nang maghain ng reklamo si Peña at iginiit nitong nagkaroon ng iregularidad at manipulasyon sa bilangan ng boto sa Makati City nitong Mayo 9.
Tiwala ang alkalde na malaki ang kanyang naging lamang sa boto laban sa katunggaling si Makati Rep. Abigail “Abby” Binay na naiproklama na bilang nanalo sa pagkaalkalde sa siyudad.
Inihirit ni Peña sa Comelec na magkaroon ng manu-manong bilangan sa balota upang tiyaking walang dayaan o manipulasyon na kanyang pinagdududahan sa pagkapanalo ng Binay.
Mayo 12 nang daan-daang tagasuporta ni Peña ang dumagsa harapan ng Makati City Hall quadrangle upang ipagsigawan ang “recount of votes” bunsod ng umano’y dayaan sa eleksiyon kaya natalo ang kanilang pambato.
Kumbinsido ang mga tagasuporta ni Peña na imposibleng makakuha ng zero vote ang kanilang pambato sa ilang clustered precinct na itinuturing nitong balwarte.
Unang nangako si Peña na mangangalap ng mga ebidensiya para sa nasabing reklamo.
Matatandaan na umupong alkalde ng lungsod si Peña nang sibakin ng Ombudsman si Mayor Junjun Binay dahil sa mga kasong katiwalian. (Bella Gamotea)