Nabuking ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang modus operandi ng isang magkapatid na umano’y nagbebenta ng shabu na ginagawa nilang palaman sa hamburger, sa buy-bust operation sa Tondo, Maynila nitong Huwebes ng hapon.

Nakadetine na sa MPD-Station 1 ang mga suspek na sina Dionisio, 45, at Diony Go, 35, kapwa residente ng 375 Kabangis corner Velasquez Streets, Tondo, Manila.

Nakumpiska ng awtoridad mula sa mga suspek ang 20 sachet na may lamang shabu na pawang nakaipit sa panindang hamburger.

Batay sa ulat ni PO3 Niño Baladjay, dakong 5:10 ng hapon nang malambat ang mga suspek sa buy-bust operation na ikinasa ng mga pulis sa Yangco Street sa Tondo.

National

27 volcanic earthquakes, naitala mula sa Bulkang Kanlaon

Nauna rito, nakatanggap ng impormasyon ang mga pulis sa ilegal na aktibidad ng mga suspek kaya nagsagawa sila ng surveillance at nagkasa ng buy-bust operation at isang police asset ang nagpanggap na buyer ng droga.

Kaagad namang dinakma ng mga pulis ang mga suspek nang tanggapin nito ang P500 marked money kapalit ng shabu, na natukoy na nakapalaman sa hamburger. (Mary Ann Santiago)