ALINSUNOD sa kanyang ipinangako noong kampanya na susugpuin niya ang kriminalidad at ang pagkalat ng ilegal na droga sa bansa sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan, iminungkahi ni presumptive President Rodrido Duterte ang pagbabalik ng parusang kamatayan dahil inaasahang mapipigilan nito ang krimen. Iminungkahi pa niya na pagbibigti ang igawad na parusa, sa halip na lethal injection, na naging kapalit naman ng silya elektrika na dating ipinatutupad sa Pilipinas bilang pinakamatinding parusa sa pagkakasala.
Nakasaad sa Bill of Rights ng Konstitusyon ang isang probisyon laban sa malupit, hindi makatao o nakapagpapababa ng pagkatao na parusa sa mga nagkakasala. “Neither shall death penalty be imposed unless, for compelling reasons involving heinous crimes, Congress hereafter provides for it.” Kakailanganin ng bagong administrasyon na matipon ang mayorya ng Kongreso upang maipasa ang kinakailangang batas para maibalik ang parusang kamatayan sa pinakamatitinding krimen, kabilang ang pagbebenta ng ilegal na droga, na sa pananaw ng marami ay isang krimen at sinisisi sa napakaraming paghihirap sa lipunan ng Pilipinas sa ngayon.
Ang anumang pagsusulong para maibalik ang parusang kamatayan ay tiyak na mariiing tututulan, partikular na ng Simbahan. Maaaring bigyang-diin na sa ilalim ng kasalukuyang sistema ng hustisya sa bansa, mas malaki ang posibilidad na mapatawan ng parusang kamatayan ang mahihirap kaysa mayayaman. Hihilingin ang pruweba na aktuwal na napipigilan ng parusang kamatayan ang kriminalidad. At matutukoy din na ipinagbawal na ang pagpaparusa ng kamatayan sa 101 bansa sa mundo.
Isinusulong ni Duterte ang isa pang pangunahing pagbabago, sa pagkakataong ito ay sa sistema ng gobyerno sa Pilipinas. Itinataguyod niya ang federal system sa pamahalaan, isang pangunahing hakbangin ng partidong PDP-Laban na kinaaaniban niya nang kumandidato siya nitong halalan. Ang umiiral na sentralisadong uri ng gobyerno ay pinaniniwalaan ng maraming opisyal sa bansa na masyadong manhid sa pangangailangan at mga suliranin ng mga lokal na komunidad, partikular na sa malalayong panig ng bansa. Pinaniniwalaang mas magiging maunlad at patas ang progreso ng bansa kung ang kapangyarihan ng gobyerno sa pagtukoy sa mga proyekto at paglalaan ng pondo para rito ay hinahati-hati sa mga lokal na opisyal.
Gayunman, ang panukalang ito ay taliwas sa kasalukuyang sistema ng matatag na pambansang gobyerno. Tinukoy sa bisa ng Konstitusyon ang “autonomous regions in Muslim Mindanao and the Cordilleras”—at ang iba pang bahagi ng bansa ay may mga lalawigan, munisipalidad at lungsod, at barangay. Mayroon na tayong Cordillera Administrative Region (CAR) at Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) na maaaring palitan at gawing Bangsamoro Autonomous Region.
Nagpanukala si dating Senador Aquilino Pimentel Jr. ng kaparehong autonomous region sa iba pang bahagi ng bansa—bawat isa para sa Metro Manila, Northern Luzon, Central Luzon, Mimaropa, Bicol, Eastern Visayas, Central Visayas, Western Visayas, Northern Mindanao, at Southern Mindanao. Ngunit kakailanganin dito na amyendahan ang Konstitusyon.
Mistulang determinado ang administrasyong Duterte na ipatupad ang mahahalagang pagbabago sa bansa; dahil pagbabago nga ang hinahangad ng mamamayan kaya siya inihalal ng mga ito kaysa iba pang kumbensiyonal na kandidato. Ang pagbabalik ng parusang kamatayan ay maaaring mangyari kung pahihintulutan ng Kongreso, ngunit ang pagtatatag ng federal system ng pamamahala ay mangangailangang amyendahan ang Konstitusyon. Sa unang bahagi pa lang ng susunod na administrasyon ay may panawagan na para sa Constitutional Convention upang maipatupad ang mga kinakailangang pagbabago, gaya ng pederalismo at marahil, reporma sa mga probisyong pang-ekonomiya ng Konstitusyon.