Sugatan ang isang kilabot na holdaper matapos mabaril ang sarili sa gitna ng pakikipag-agawan ng baril sa rumespondeng barangay tanod sa Pasay City, kahapon ng madaling araw.

Dinala sa Pasay City General Hospital si Marlon Olandres, 23, miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik, at nakatira sa Comet Street ng nasabing lungsod, dahil sa tinamong tama ng bala sa kanang hita.

Sa ulat na tinanggap ni Pasay City Police chief Senior Supt. Joel Doria, dakong 5:30 ng madaling araw nang namataan ang suspek na may kahina-hinalang kilos sa madilim na bahagi sa BAC 1-11 Street.

Agad na itinawag ito ng concerned citizen sa barangay at rumesponde ang mga tanod, kabilang si Anthony Conte ng Barangay 190 Zone 20.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Paglapit ng mga tanod, biglang bumunot ng baril ang suspek at tinangkang paputukan ang mga ito subalit maagap siyang nadamba ni Conte na humantong sa agawan ng baril at minalas na naputukan sa hita ni Olandres.

Isinugod ng mga tanod ang suspek sa pagamutan at nakumpiska sa kanyang pag-iingat ang isang Norinco caliber .9mm (SN 62191) at dalawang bala ng baril.

Nahaharap ang suspek sa kasong direct assault, grave threat at illegal possession of firearms na may kaugnayan sa Omnibus Election Code sa Pasay Prosecutor’s Office. (Bella Gamotea)