Hindi pa man nauupo sa kanyang puwesto si presumptive president Rodrigo Duterte bilang ika-16 na Pangulo ng bansa ay nagkaroon na ng sibakan sa puwesto ang Philippine National Police (PNP).
Una nang inihayag ni Duterte na pananagutin niya ang mga tiwaling pulis, partikular ang mga sangkot sa ilegal na droga.
Nitong Miyerkules, sinibak ng PNP si Senior Supt. Bartolome Bustamante bilang hepe ng Caloocan City Police, at nagmula sa mismong headquarters sa Camp Crame ang nasabing direktiba.
Ilang junior police officer ang nagsumbong umano sa Camp Crame tungkol sa P1,500 allowance para sa mga pulis na nagtrabaho nang husto sa katatapos na eleksiyon nitong Mayo 9.
Ayon sa sumbong, kulang daw ng P200 ang naibigay ni Bustamante, na agad na pinasinungalingan ng nasabing opisyal.
Pumalag naman si Mayor Oscar Malapitan sa pagkakasibak kay Bustamante dahil wala man lang umanong pasintabi sa kanya.
Aniya, walang due process ang PNP, at dapat na nagsagawa muna ito ng imbestigasyon kaugnay ng nasabing alegasyon.
Dahil dito, si Supt. Ferdinand Del Rosario ngayon ang umaaktong hepe ng Caloocan City Police. (Orly L. Barcala)