Hiniling ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo sa Supreme Court (SC) na resolbahin na ang kanyang petisyon na isailalim sa house arrest.

Sa pitong pahinang mosyon na inihain sa Mataas na Korte, nagsumamo ang kanyang mga abogado na ang Urgent Motion for House Arrest na inihain niya noong Disyembre 1 ”be considered submitted for resolution” ng SC.

Kaugnay nito, umaasa ang mga abogado na sa oras na maresolba ang petisyon “the Court issue an order placing petitioner under house arrest”, papalitan ang lugar ng kanyang pagkakakulong mula Veterans Memorial Medical Center sa kanyang tahanan sa No. 41 Badjao Street, La Vista Subdivision, Quezon City.

Kinasuhan si Arroyo ng plunder sa diumano’y pagkakasangkot sa paglipat ng P365,997,915 mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office’s (PCSO) Confidential/Intelligence Fund (CIF) mula 2008 hanggang 2010.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Dahil sa kaso laban sa kanya, isinailalim si Arroyo sa hospital arrest sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) simula 2012.

Matapos tanggihan ng Sandiganbayan First Division ang kanyang petition for bail, hiniling ng kanyang mga abogado sa anti-graft court na baguhin ang kanyang custodial arrangement at ilagay siya sa house arrest sa kanyang bahay sa Quezon City o sa kanyang bayan sa Lubao, Pampanga.

Ngunit bago maresolba ng First Division ang mosyon, naghain ang mga abogado ni Arroyo ng parehong petisyon sa SC.

Ikinatwiran ng kanyang mga abogado na ang patuloy niyang pananatili sa VMMC ay hindi nakatulong upang gumanda ang kanyang kalusugan at mas makabubuti sa para kanya ang house arrest. (JEFFREY DAMICOG)