Hindi na nakapalag ang isang ginang makaraang posasan ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Anti-Human Trafficking Division (NBI-ATHD) matapos ibugaw ang kanyang anak sa mga foreigner pamamagitan ng online negotiations mula sa kanilang bahay sa Pasig City.
Tumanggi naman ang NBI na ibunyag ang pagkakakilanlan ng babaeng naaresto at ng dalawang anak nito na na-rescue ng ahensiya.
Ayon sa ulat, naaresto ang ginang ng pinagsanib na puwersa ng NBI-AHTD, Department of Justice (DoJ) Office of Anti Cyber Crime, at Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa kanyang bahay sa Barangay Napico, Manggahan, Pasig City, dakong 7:00 ng umaga nitong Huwebes.
Ang operasyon ay bunsod ng unang pagkakaaresto kay Calvin Bernhardt sa North Dakota, USA, dahil sa kasong child exploitation.
Sa pakikipagtulungan ng US authorities, nadiskubre ng NBI na nagpapadala ng pera si Bernhardt sa ginang bilang kapalit ng mga hubo’t hubad na larawan ng kanyang dalawang anak.
Nahaharap ang ginang sa kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act of 2012.
Samantala, inilagay naman sa kustodiya ng DSWD ang dalawang batang biktima. (Argyll Cyrus B. Geducos)