Kalaboso ang isang Dutch matapos siyang makuhanan ng dalawang kilo ng ecstacy sa drug bust operations ng National Bureau of Investigation-Anti-Illegal Drugs Division (NBI-AIDD) sa Makati, kahapon ng madaling araw.

Naaresto si Martin de Jong matapos siyang kumagat sa entrapment operation na ikinasa ng mga tauhan ng NBI sa loob ng isang bar sa Makati Avenue, dakong 1:00 ng madaling araw.

Matapos maaresto, hinalughog ng mga NBI agent ang condotel room ni De Jong, at nadiskubre roon ang dalawang garbage bage na naglalaman ng daan-daang tableta ng ecstacy na may timbang na halos dalawang kilo.

Bukod dito, nabawi rin ng awtoridad ang ilang sachet na naglalaman ng cocaine at marijuana.

National

27 volcanic earthquakes, naitala mula sa Bulkang Kanlaon

Nagsagawa ng dalawang linggong surveillance operation ang NBI bago ikinasa ang drug bust operation laban kay De Jong.

Napag-alaman din ng mga opisyal ng NBI na hindi lamang limitado ang pagbebenta ng droga ni De Jong sa Makati kundi maging sa ibang lugar sa Metro Manila.

Todo tanggi naman ni De Jong na siya ang may-ari ng mga nakumpiskang droga dahil iniwan lang umano ang mga ito sa kanya ng kanyang kaibigan. (Argyll Cyrus B. Geducos)